Babalasahin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Sugar Regulatory Administration (SRA) kasunod na rin ng pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal nito dahil na rin sa nabulilyasong iligal na pag-aangkat ng daan-daang metriko toneladang asukal.

Ito ang isinapubliko ni Marcos at sinabing inaasahang matatapos ang hakbang ngayong linggo.

Si Marcos ay kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Layunin aniya ng balasahan na maisulong nang husto at maiangat ang industriya ng asukal sa bansa.

Pakay din nito na madetermina ang dami ng suplay ng asukal at kung aangkat pa nito.

"We’ll reorganize the SRA and then we will come to an arrangement with the industrial consumers, with the planters, the millers, suppliers of the sugar to coordinate para talaga kung ano ’yung mayroon, kung ano ’yung available, mailabas na sa merkado," sabi ng Pangulo.

"’Yung kulang, eh kunin na natin, kunin na natin. Mag-import na tayo. Mapipilitan talaga tayo," banggit nito.

Matatandaang nagbitiw sina SRA administrator Hermenegildo Serafica at Board member Roland Beltran matapos silang masangkot sa inilabas na "illegal" na sugar import order kamakailan.

Nitong Agosto 11, nagbitiw din si Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian kaugnay ng kontrobersya.

Kabilang si Sebastian sa pumirma sa kautusang umangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal upang matugunan umano ang kakapusan ng suplay nito sa bansa.