Tiniyak ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na handang-handa na rin sila sa pagbubukas ng klase sa Lunes, Agosto 22, at pagkakalooban nila ng 20% discount sa pamasahe ang mga estudyanteng magbabalik face-to-face classes na.

Sa isang paabiso nitong Miyerkules, sinabi ng MRT-3 na plantsado na ang lahat ng mga paghahanda ng buong linya ng MRT-3 upang masiguro ang ligtas, maayos, at sapat na transportasyon para sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela na.

Ayon kay MRT-3 General Manager Federico J. Canar, Jr., prayoridad ng MRT-3 ang kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante, gayundin ang makapagbigay ng komportable at abot-kayang serbisyo para sa kanila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Katuwang po ang iba pang rail lines at ang DOTr (Department of Transportation), ang MRT-3 po ay handa nang magbigay ng ligtas, komportable, at sapat na transportasyon para sa ating mga estudyante. Maaari pong mag-avail ang ating mga estudyante ng 20% fare discount sa buong operating hours ng MRT-3,” pagtiyak pa ni Canar.

Sinabi ni Canar na upang makakuha ng 20% discount, kailangan lamang ng estudyante na magpakita ng student ID o orihinal na kopya ng enrollment o registration form sa pagbili ng single journey ticket sa mga ticketing booth.

Ang 20% student fare discount ay maaari aniyang i-avail ng mga ito mula Lunes hanggang Linggo, kasama ang holidays.

Tiniyak rin niya na tuloy-tuloy pa rin ang istriktong pagpapatupad ng minimum public health standards sa buong linya at ng "7 Commandments" sa loob ng mga tren, upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na COVID-19.

Dagdag pa ni Canar, mayroon ding sapat na bilang ng mga tren para sa lahat ng mga pasahero kabilang ang mga estudyante.

“Mayroon po tayong mga train at platform marshals na patuloy na magpapatupad ng '7 Commandments' laban sa COVID-19, gaya ng pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap, at pagsagot ng tawag sa telepono sa loob ng mga tren. Handa rin po tayong mag-deploy ng sapat na bilang ng reliable train sets lalo tuwing peak hours,” aniya.

Sa kanilang pagtaya, aabot sa 1,400 kada araw ang inaasahang bilang ng mga estudyanteng gagamit ng MRT-3 simula sa pasukan.

Sa kasalukuyan, nakapagsasakay ang MRT-3 ng nasa 300,000 na pasahero tuwing weekday.