Bilang bahagi ng #AngatBayanihan at pagbabalik-paaralan, namahagi ng mga sapatos para sa mga batang mag-aaral sa Camarines Sur ang Angat Buhay Foundation, sa pangunguna ng chairperson nitong si dating Vice President at Atty. Leni Robredo.

"Balik-eskwela na ang ating mga estudyante. Dito sa CamSur, namigay tayo ng school shoes mula sa ating partners, para sa mga grade school students sa Tabuco Central School, Naga City, at sa Brgy. Carangcang sa Magarao," ayon sa Facebook post ni Robredo ngayong Miyerkules, Agosto 17, 2022.

"Parehong malapit sa puso ko ang mga lugar na ito: Sa Tabuco ipinanganak ang asawa kong si Jesse, at doon rin kami unang tumira bilang mag-asawa. Ang Carangcang naman ang itinuturing ko na bagong tahanan."

"Excited na akong mabasa ang mga kwentong volunteer n'yo! Ngayon at kada Miyerkules, ibahagi ang inyong experience at initiatives—i-tag ang Angat Buhay at gamitin ang hashtag na #AngatBayanihan," himok pa ng dating Pangalawang Pangulo.

Ngayong buwan ng Agosto, muling magbubukas ang klase para sa school year 2022-2023 kaya hinikayat ng Angat Buhay ang pagtulong sa mga mag-aaral na nasa komunidad, na may mga kakulangan ng suplay sa paaralan.