Umaabot na sa mahigit 21.8 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nakapagpatala na para sa School Year 2022-2023 hanggang nitong Miyerkules o limang araw bago ang pagbubukas ng klase sa Lunes, Agosto 22, 2022.
Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) ng DepEd para sa SY 2022-2023, nabatid na hanggang alas-7:20 ng umaga ng Agosto 17, 2022, umabot na sa kabuuang 21,837,853 ang bilang ng mga enrollees para sa susunod na taong panuruan.
Sa naturang bilang, 19,233,796 ang nagpa-enroll sa public schools; 2,531,715 ang nagpa-enroll sa private schools at 72,342 ang nagpa-enroll sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).
Pinakamarami pa rin anila ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 3,142,716; na sinusundan ng Region III (Central Luzon) na nasa 2,419,137, at National Capital Region (NCR) na nasa 2,330,450.
Pinakamababa pa rin ang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 360,668 lamang.
“Tandaan na mayroon tayong tatlong pamamaraan sa pagpapatala: in-person, remote, at dropbox enrollment. Dagdag pa rito, ang ating mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala nang in-person o digital,” paalala naman ng DepEd.
“Sa pagpunta sa mga paaralan, ating panatilihin ang proteksyon ng bawat isa. Huwag kalimutang sundin ang ating mga health and safety protocols,” anito pa. “Kung may katanungan kaugnay sa enrollment at pagbabalik-eskwela ngayong SY 2022-2023, bisitahin ang:bit.ly/OBE2022Hotlines.”
Ang enrollment period para sa SY 2022-2023 ay sinimulan noong Hulyo 25 at magpapatuloy hanggang sa Lunes, na siyang unang araw ng klase.
Target ng DepEd na makapagtala ng mahigit 28 milyong mag-aaral ngayong taon.