Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes na walang dapat na ikabahala ang mga magulang at mga guardians ng mga mag-aaral ng lungsod, na magbabalik-face-to-face classes na simula sa Lunes, Agosto 22, dahil sisiguraduhin nilang ligtas ang mga ito mula sa COVID-19 at dengue.

Ayon kay Lacuna, magkatuwang ang Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan at Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), sa patuloy na pag-disinfect sa lahat ng elementary at high schools sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

“Maraming salamat sa MHD at the MDRRMO. Sa ganitong paraan ay makasisiguro ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay ligtas hindi lamang sa COVID kundi pati sa dengue,” pahayag pa ni Lacuna.

Kasabay nito, nanawagan rin si Lacuna sa mga residente na patuloy na mag-ingat upang hindi dapuan ng dengue.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Iniulat rin ni Lacuna na ang bilang ng mga kaso ng dengue sa lungsod mula Enero 1 hanggang Agosto 6 ay umabot na sa kabuuang 1,067.

Nag-peak aniya ang mga kaso noong Agosto 1 hanggang 6 lamang, kung saan nakapagtala ng kabuuang 152 kaso, sa loob lamang ng isang linggo.

“Ibig sabihin, mataas ang kaso dengue at nakapagtala sa anim na barangay ng pinakamataas na kaso ng dengue,” ani Lacuna.

“Napakahirap dahil me COVID na, may dengue pa kaya ibayong ingat ang hinihingi natin sa kapwa natin Manilenyo paano maiwasan magkaroon dengue,” anang alkalde.

Pinaalalahanan rin ni Lacuna, na isang ring doktor, ang publiko na napakahalaga ang pagpapanatiling malinis sa kapaligiran sa lahat ng pagkakataon upang maiwasang pamahalaan ang mga ito ng dengue-carrying mosquitoes.

Hinikayat rin niya ang mga Manilenyo na itapon na ang mga lata, bote, mga lumang gulong at iba pang mga bagay na maaaring pag-imbakan ng tubig-ulan, kung saan nangingitlog ang mga lamok.

Dapat rin aniyang panatilihin ng mga ito na malinis ang kanilang mga kanal at tiyaking ang mga imbakan ng tubig ay palaging may takip.

Makatutulong rin aniya ang pagsusuot ng mga light-colored na damit dahil ang mga lamok ay naaakit sa mga dark-colored garments.

Pinayuhan pa ng alkalde ang publiko, partikular na ang mga bata, na kung maaari ay gumamit ng mosquito repellants at mga pajama at mga damit na mahaba ang manggas upang makaiwas sa kagat ng lamok.