Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tutulungan nilang makahanap ng lilipatang paaralan ang mga estudyante ng Colegio de San Lorenzo sa Congressional Avenue, sa Quezon City, na na-displaced matapos na magdesisyon ang paaralan na permanente nang magsara dahil sa usaping pinansiyal na dulot ng Covid-19 pandemic at mababang bilang ng enrollees nito.
Nauna rito, ipinatawag ng Colegio ang kanilang mga estudyante, kasama ang kanilang mga magulang at guardians, sa isang student’s assembly nitong Lunes, at inanunsyo ang malungkot na balita ng kanilang permanenteng pagsasara.
Nagpaskil din ang naturang kolehiyo ng paabiso sa kanilang Facebook page kung saan nakasaad ang anunsyong, “With a very heavy heart, we would like to inform you that due to the financial instability and lack of financial viability brought about by the ongoing pandemic and exacerbated by consistent low enrollment turnout over the past years, the Board of Trustees has come to the painful and difficult decision to permanently close our educational institution, Colegio De San Lorenzo.”
Pinalagan naman ito ng mga magulang at mga estudyante, partikular na ang mga graduating students, dahil nabigla umano sila sa pangyayari at hindi nabigyan ng pagkakataon upang mapaghandaan ito.
Humihiling din ang mga ito sa paaralan na magdaos na lamang ng online classes para sa kanilang mga graduating students. Malalaman umano ang desisyon ng paaralan hinggil dito.
Sa isang panayam naman sa telebisyon nitong Martes, sinabi nina DepEd spokesperson Michael Poa at Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera III, na maging sila ay nabulaga sa biglaan pagsasara ng naturang paaralan.
Ayon kay Poa, hindi humingi ng permiso at hindi rin sila inimpormahan ng Colegio de San Lorenzo hinggil sa intensiyon nitong permanente nang magsara.
Aniya, ang naturang educational institution ay nagkaroon ng “voluntary closure,” sa ilalim ng Section 43 ng DepEd Order (DO) 88 s. 2010.
Tiniyak din naman ni Poa na tutulungan ng DepEd ang mga estudyante ng kolehiyo na maghanap ng mga paaralang maaaring lipatan ng mga ito, lalo na at magsisimula na ang School Year 2022-2023 sa Lunes, Agosto 22.
“Sa ganyang paraan muna natin susubukan tulungan ang mga learners. Maghahanap tayo ng mga schools that can help absorb the students kasi nga ilang araw na lang po ay pasukan na,” ani Poa.
Sa isang mensahe naman sa mga reporters, sinabi ni Poa na mayroon nang isang pribadong paaralan sa Quezon City, na may parehong tuition rate sa Colegio de San Lorenzo, ang nagpahayag na ng kahandaan na i-absorb ang mga estudyante, partikular na ang nasa Grades 11 at 12.
Umaasa si Poa na marami pang mga paaralan ang tutulong sa mga naturang apektadong estudyante.
Nanawagan pa si Poa sa Colegio de San Lorenzo na madaliin ang pagpapasilidad ng transfer of records ng kanilang mga estudyante, gayundin ang pagre-refund ng tuition fee ng mga estudyanteng nakapag-enroll na para sa SY 2022-2023.
Ang mga guro naman aniya na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng paaralan ay dapat na makatanggap ng separation pay, alinsunod sa Section 84 ng nasabing DO.
Pag-aaralan din aniya ng DepEd kung ano pa ang mga tulong na maaari nilang ipagkaloob sa mga naturang teaching personnel.
Samantala, aminado naman si de Vera na mayroon silang problema sa pagsasara ng paaralan.
Paliwanag niya, karaniwan nang iniimpormahan sila ng mga paaralan hinggil sa napipintong pagsasara nito ngunit hindi aniya ito nangyari sa Colegio de San Lorenzo.
“Ito medyo bigla-bigla kaya meron tayong problema dito sa pagsara nila,” aniya pa sa panayam sa telebisyon at radyo.
Ani de Vera, bago magsara ang paaralan, dapat na ihanda ng mga paaralan ang pag-transfer ng mga dokumento ng kanilang mga mag-aaral sa bagong paaralan nito at tiyakin ang separation pay ng mga apektadong manggagawa.