Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes na ipatatanggal na niya ang mga quarantine facilities na itinayo sa loob ng mga paaralan.

Kasunod na rin ito ng nakatakda nang pagbubukas ng klase sa bansa sa Agosto 22, Lunes.

Sinabi ni Lacuna na hanggang noong Agosto 12 ay may apat pang quarantine facilities ang nananatiling bukas sa Maynila at tumatanggap ng pasyente.Dalawa aniya sa mga ito ay nasa loob ng mga paaralan.

Matagal na rin aniya nilang unti-unting inaalis ang mga quarantine facilities sa lungsod dahil may katagalan na ring walang pasyente ang mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang iba kasi aniyang residente na dinadapuan ng sakit ay mas pinipiling sa kanilang bahay na lamang mag-quarantine, lalo na kung mayroon lamang silang asymptomatic hanggang mild symptoms.

“Dahil matagal nang zero percent ang pasyente, unti-unti na nating inaalis ang quarantine facilities lalo na sa mga paaralan para magamit ng ating mga mag-aaral sa Maynila,” ani Lacuna.

Kaugnay nito, muli ring hinikayat ni Lacuna ang mga Manileño na magpabakuna na laban sa COVID-19.

Aniya, lahat ng brands ng bakuna ay available sa mga vaccination sites sa Maynila at patuloy pa din silang tumatanggap ng walk-in vaccine recipients, kahit pa hindi residente ng Maynila ang mga ito.

Iniulat pa ni Lacuna na sa ngayon, ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na fully vaccinated na o nabigyan ng 1st at 2nd dose ng bakuna, ay umaabot na sa 3,502,263.Sa naturang bilang,1,730,948 na ang nabigyan ng booster dose.

Samantala, iniulat rin niya na ang bed occupancy ng anim na ospital na pinatatakbo ng city government ay nasa 12% lamang, o mula sa 296 bed capacity ay 36 lamang ang okupado.

Sa Manila COVID-19 Field Hospital naman, na pinamumunuan ni Dr. Arlene Dominguez, 117 na beds lamang mula sa kabuuang 344 bed capacity ang okupado o mayroong 34% occupancy rate.