Mariing kinondena ng Kabataan Partylist ang House Bill No. 2407 na naglalayong palitan ang pangalan ng Mariano Marcos State University (MMSU) ng Batac, Ilocos Norte sa Ferdinand E. Marcos State University.
Ang pangunahing may-akda ng Bill na si Rep. Angelo Marcos Barba ay pamangkin ni Ferdinand Marcos Sr. at first cousin nina Imee Marcos at Ferdinand Marcos Jr.
"Di natin malilimutan ang napakaraming martir na estudyante dahil sa diktadurang Marcos. Si Liliosa Hilao, Lean Alejandro, Lorena Barros, at marami pang iba -- sila dapat ang inaalala natin, hindi si Marcos Sr. na pumatay ng isang henerasyon ng mga anak ng bayan," ani Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel.
Ayon kay Manuel, binabalewala ng panukala ang kamay na ginampanan ni Marcos Sr. sa komersyalisasyon ng edukasyon sa pamamagitan ng Education Act of 1982: inalis ng batas ang pampublikong katangian ng mga state universities tulad ng MMSU sa pamamagitan ng pagtulak sa kanila na magkaroon ng sariling kita at umasa sa pagsasapribado ng mga serbisyo sa paaralan.
Dagdag pa niya, pinayagan din ng batas ang deregulasyon ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pribadong institusyong pang-edukasyon.
Aniya, "Ang isang institusyon na itinayo para magbigay ng abot-kamay at dekalidad na edukasyon sa publiko ay di dapat ipangalan sa taong nanguna sa pagbigay-daan sa pagtaas ng matrikula at komersiyalisasyon sa edukasyon. Kahit ang bagong henerasyon ng kabataan ay biktima ng ganitong legasiya ni Marcos Sr."
"Hindi dapat ituring na pagmamay-ari ng isang pamilya ang mga state university and college. Wala ring utang na loob ang kabataan na bigyang 'dangal' ang mga nasa kapangyarihan para sa edukasyon na kanilang natatamasa dahil sa buwis ng mamamayang Pilipino," dagdag pa ng mambabatas.
Matatandaan na ang unibersidad, na itinatag noong Hunyo 6, 1978, ay ipinangalan sa abogado, edukador, at politiko na si Don Mariano Marcos, ang ama ng yumaong pangulo.
Ang panukalang batas ay nakatakdang pag-usapan ng House Committee on Higher and Technical Education sa Agosto 16.