Matapos magbitiw sa puwesto ang isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) dahil sa pagkakadawit sa "illegal" na kautusang umangkat ng sibuyas,nagtalaga naman si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng bagong undersecretary ng ahensya kamakailan.
Sa kanyang Facebook post, tinukoy ni Marcos si Domingo Panganiban bilang bagong DA Undersecretary.
Nanumpa na sa tungkulin si Panganiban nitong Biyernes, Agosto 12.
Si Marcos ang nagsisilbing kalihim ng DA hangga't wala pa siyang naitatalaga sa naturang puwesto.
"Isang karangalan ang makatrabaho ang ating mga dalubhasa sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating bayan lalo na sa sektor ng agrikultura," sabi ni Marcos sa kanyang social media post.
Matatandaang naging kalihim ng DA si Panganiban sa panahon nina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Nitong nakaraang linggo, nag-resign sa posisyon si DA Undersecretary Leocadio Sebastian nang mabunyag na isa siya sa pumirma sa kontrobersyal na resolusyon para sa importasyon ng 300,000 metriko toneladang sibuyas upang matugunan ang kakapusan umano ng suplay nito sa bansa.