Nananatiling palaisipan pa rin at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang B.S Criminology graduating student na si Jovelyn Galleno, na hindi pa umuuwi sa kaniyang pamilya hanggang ngayon, at huling namataang pumasok sa trabaho sa isang outlet, na nasa loob ng isang sikat na mall sa Puerto Princesa City, Palawan.

Kalat na kalat at pinag-uusapan ngayon sa social media, lalo na sa TikTok, ang kaso ng umano'y pagkawala ni Galleno na naispatan sa CCTV footage na pumasok sa loob ng isang sikat na mall noong Agosto 5, ngunit kataka-takang hindi nakita ang paglabas nito sa vicinity, o alinmang exit points.

Hindi umano ito kapani-paniwala dahil maraming CCTV na nakakalat sa loob at labas ng naturang mall.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Screengrab mula sa TikTok

Ayon sa salaysay ng kapatid ng nawawalang estudyante na si Jocelyn Galleno, nakapag-chat pa umano sa kanila ang kapatid bandang 6:37 ng gabi at nagtanong kung ano ang madaratnan niyang ulam.

"Sabihin mo kay Mama bukas pa ako masahuran (kasi) wala si Ma'am," makikitang sabi ni Jovelyn sa kapatid, batay sa oras na makikita sa screenshot ng conversation thread nila.

Bandang 8:55 ng gabi ay tinanong ng kapatid kung nasaan na si Jovelyn subalit hindi ito tumugon.

Bandang 10:27 ng gabi ay makikitang sinikap na tawagan ng kapatid si Jovelyn subalit hindi niya ito sinagot.

Screengrab mula sa TikTok via Jocelyn Galleno

Sa ilang araw na pagkawala at paghahanap sa nawawalang dalaga, nakipagtulungan na rin dito ang iba't ibang opisyales gaya nina Councilor Elgin Damasco at 3rd District Palawan Rep. Edward Hagedorn; dinagdagan nila ang pabuya para sa sinumang makapagtuturo kung nasaan si Jovelyn.

Ayon sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nasa pangangalaga ng pamilya ni Jovelyn ang naturang pabuya, na pinagsikapang pag-ambagan ng mga kaibigan, kaanak, at iba pang concerned netizen na nababagabag na rin sa pagkawala niya.

Sa kabilang banda, iginiit naman ng pamunuan ng mall na wala silang itinatago sa mga awtoridad at ibinigay na nila ang lahat ng kopya ng CCTV na mayroon sila.

Ngunit saad naman ng mga awtoridad, paano raw mangyayaring may kopya ng CCTV footage na pumasok si Jovelyn sa loob ng mall, at walang kuha naman sa paglabas nito?

Dahil dito, lumutang at naungkat ang isang urban legend noong 80s tungkol sa mall, na nauna nang kinasangkutan noon ng aktres na si Alice Dixson.

Usap-usapan, na sa ilalim ng mall ay may "taong ahas" na nambibiktima umano ng magagandang dalaga. Ang taong ahas na ito ay sinasabing nagtatae ng ginto, at kakambal ng isang babaeng normal na tao.

Ayon pa sa mga sabi-sabi, ang mga sahig daw ng fitting room ng naturang mall ay kusang bumubukas palagos sa ilalim kung saan naroon ang taong ahas.

Ngunit kamakailan lamang ay pinabulaanan ni Alice ang naturang urban legend sa pamamagitan ng isang vlog na lumabas noong 2018.

“They directed me to the bathroom sa labas ng department store on the fourth floor para magpalit ng damit. Natatandaan ko nga may nag-uusyoso sa labas, and for some reason while I was inside the bathroom, I said, ‘Tuklaw, tuklaw’,” bahagi ng salaysay ng aktres.

“Now, I don’t really know kung bakit ko iyon ginawa. Siguro kasi, I was just being funny? I was trying to get a laugh sa mga kasamahan ko? I was being young and silly.”

Sa katunayan, naging endorser pa ng mall si Alice at ginamit pa sa promotion/commercial ang naturang urban legend.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa kumpirmado kung totoo ba ang urban legend na ito. Tikom pa rin ang bibig ng pamunuan ng mall tungkol sa kasong ito.