Posibleng mabuong bagyo ang namataang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) kapag nakapasok na ito sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa abiso ng PAGASA, ang nasabing sama ng panahon ay huling namataan sa layong 990 kilometro sa Silangan ng Mindanao.
Ayon naman kay weather specialist Benison Estareja ng PAGASA, hindi ito inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa.
Tatawaging 'Florita' ang bagyo kapag nakapasok na sa PAR sa susunod na 24 oras.
Kaugnay nito, makararanas naman ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao ngayong Linggo bunsod na rin ng habagat o southwest monsoon.
Inaasahan din ng PAGASA na makaranas ng malakas na pag-ulan ang Mimaropa, Bicol Region, Quezon, Batangas, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga.
Nagbabala ang ahensya sa posibleng flash flood at landslide sa mga nabanggit na lugar.
Kalat-kalat na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dulot ng habagat, ayon pa sa PAGASA.