BAGUIO CITY – Pormal nang nanungkulan si BGen. Mafelino Bazar bilang bagong regional director ng Police Regional Office-Cordillera,ngayong Sabado, Agosto 13.

Pinangasiwaanni PNP Chief General Rodolfo Azurin, Jr., ang isinagawang turn-over ceremony sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet, ngayong araw.

Sa mensahe Bazar, hiniling nito sa buong kapulisan ng rehiyon na ipatupad ang programa ni Chief PNP na MKK=K (Malasakit, Kapayapaan,Kaayusan = Kaunlaran) at makakamit lamang ito kapag ginawa ng PNP ang tungkulin nila sa komunidad.

“Isa rin sa programa natin na hihilingin ko sa ating kapulisan na mas pabilisin pa ang pagtugon sa police assistance. Alam naman natin ang Cordillera ay sentro ng turismo at malimit ang tawag para sa police assistance at gusto ko sana mabilis ang respond ng ating pulis,” aniya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi rin ni Bazar na malaki ang inaasahan ng publiko sa pulisya kaya hindi magiging magandang rekord ang pagkabigo sa kanila.

Agad din ipinag-utos ni Bazar na gawing hindi hihigit sa limang minuto ang kanilang response time para sa mga emergency call ng pulisya.

Nanawagan din siya sa mga pulis sa rehiyon na ituloy ang koordinasyon at ugnayan sa iba pang ahensya sa gobyerno para sa pagpapatupad ng ELCAC (ending local communist armed conflict) program na ipinangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na ipagpapatuloy sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ipinahayag din ni Bazar na magkakaroon ng reshuffle ng kapulisan sa rehiyon, "may mga nag-signify na kasi gusto pumunta sa ibang assignment, kasi matagal na sila sa puwesto. Ito naman ay kailangan para naman magkaroon ng interes o motivation ang isang pulis na magamit niya ang kanyang mga programa sa isang lugar."