Usap-usapan ang pagpapahinto ng "Komisyon sa Wikang Filipino" sa pagpapa-imprenta at pagbebenta ng ilang mga aklat sa sirkulasyon dahil umano sa "subersibo" nitong nilalaman.

No photo description available.
Larawan mula sa Komisyon ng Wikang Filipino

No photo description available.
Larawan mula sa Komisyon ng Wikang Filipino

Sa isang memorandum na naipalabas noong Agosto 9, ginamit na batayan dito ang Article 9 of RA 11479 ng Anti-Terrorism Act.

Ilan sa mga aklat na tinukoy ay ang "Teatro Politikal Dos" ni Malou Jacob, "Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay" ni Rommel Rodriguez, "Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng Batas Militar 1975-1979" ni Dexter Cayanes, "May Hadlang ang Umaga" ni Don Pagusara, "Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro" ni Reuel Aguila, at "Tawid-diwa sa Pananagisag" ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera.

Ayon sa komisyoner ng wikang Ilocano na si Benjamin Mendillo, Jr, ang mga manunulat ng naturang aklat ay nag-sitas mula sa mga aklat ng komunista. Batay naman sa panig ng konseho ng KWF, napahintulutan umano ang pagpapalimbag at pagpapalathala nito dahil sa Punong Komisyoner ng KWF na si Arthur Casanova.

"We, the board of Commissioners, would like to report to your good office the books with subversive themes, explicit Anti-Marcos and Anti-Duterte contents, publications of which were authorized by Chairman of KWF Arthur P. Casanova,” anila.

No photo description available.
Larawan mula sa Komisyon sa Wikang Filipino

Kinondena naman ni Casanova ang umano'y "red-tagging" sa mga aklat na ito.

"Bilang tugon sa mga alegasyon/paratang na kumakalat sa mga balita ng midya at online na ako bilang Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay hinayaang malimbag ang subersibong materyal at hinayaang makapasok ang diumano ay mga miyembro ng CPP-NPA sa KWF, itinatanggi ko ang lahat ng paratang."

"Sa ikaliliwanag ng isyu at upang itaas ang level ng diskurso, ito ang aking paglilinaw."

"Una, ang mga librong pinaratangang subersibo ay dumaan sa pamamagitan ng proseso ng pagsusuri ng KWF. Ang lahat ng libro ay karaniwang sumasailalim sa pagsusuri at pumasa sa KWF-Yunit ng Publikasyon na nasa ilalim ng Sangay ng Edukasyon at Networking na pinamumunuan ni G. Jomar I. Cañega, kabilang ang pagtanggap ng imprimatur/pahintulot nina Komisyoner Benjamin M. Mendillo, Jr. at Komisyoner Carmelita C. Abdurahman."

"Maliwanag na hindi ko kailanman ni-railroad o pinuwersa ang publikasyon. Sa katunayan, sina Komisyoner Mendillo at kaniyang mga kasama ang tahasang lumalabag sa prosesong itinatakda ng Batas Republika Bilang 7104, ng binagong mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad nito, at iba pang proseso ng KWF."

"Pangalawa, nang unang ipabatid sa akin na may manuskritong subersibo, kagyat akong naglabas ng kautusan upang ipahinto ang paglilimbag at mapag-aralan ang mga ito. Ang KWF ang siyang dapat na manguna sa pagsisikap na mapaunlad ang ating wika. Salungat sa mga mapanlinlang na akusasyon, hindi lamang limitado ang KWF sa paglilimbag ng mga diksiyonaryo at mga lingguwistikong teknikal na mga materyales. Bagkus, kami ay inatasang magpaunlad at linangin/pagyamanin ang wikang Filipino."

"Pangatlo, ang akusasyong subersibo ang mga naturang libro ay mapanganib na yumuyurak sa kalayaan ng malayang pamamahayag at akademikong kalayaan. Nais kong idiin na ang akusasyon ay ibinabato ng mga pribadong indibidwal sa tulong ng ilang mga komisyoner ng KWF na may pending na kaso na isinampa ko at ni Rebecca T. Añonuevo upang linisin ang kredibilidad ng KWF."

"Ang akusasyon sa akin at kay Rebecca T. Añonuevo ay malinaw na retalyasyon lamang sa mga nabanggit na kaso. Taliwas sa impresyong nais iparating ng may-akda ng mga malisyosong akusasyon, ang red tagging sa akin at sa mga manunulat ay hindi mula sa ating pamahalaan. Ito ay aksiyon lamang ng mga nasabing pribadong tao at ilang komisyoner ng KWF na may mapaminsalang hangarin."

"Sa panghuli, sa pananalita ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pundasyong pangwika ng ating bayan ay kailangang patatagin/palakasin dahil ito ay may mahalagang gampanin sa pagdevelop ng ating kultura sa gitna ng makabagong panahon. Nakalulungkot na ang mga alegasyong ito na walang katotohanan at walang basehan, ay ginagamit ng ilang taong nagtutulak ng kanilang personal na mga adyenda. Ito ang pinakabagong serye ng mga aksiyon na nakatuon laban sa akin para sirain ang aking pagkatao at harangin ang mga gawain para patatagin/palakasin at linisin ang KWF."

"Sa ngalan ng transparency, mabuting pamamahala, at upang mabalanse ang isyu ng malayang pamamahayag, kredibilidad at kalipikasyon ng ilang Komisyoner, at red tagging ng mga pribadong tao, ako ay nakahandang humarap sa kung anumang imbestigasyon sa tamang forum, maging ito man ay sa pamamagitan ng isang Congressional Inquiry, o sa Opisina ng Pangulo na kung saan ang KWF ay bahagi."

"Tinatawagan ko ang mga awtoridad, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang Anti-Terrorism Council, na imbestigahan ang mga paratang na ito upang kanilang makitang ito ay walang batayan at malisyoso," ayon sa Punong Komisyoner.

Samantala, marami sa mga manunulat, dalubwika,, iskolar at organisasyong pangwika ang nanindigan sa panig ni Casanova at kinokondena ang naging "red-tagging" sa mga babasahin at aklat na ito. Nalungkot sila na nangyayari ang mga ito sa mismong pagdiriwang pa naman ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto.