Parehong mapapanuod sa United Arab Emirates (UAE) ang magkatunggaling martial law films na “Katips” at “Maid in Malacañang.”

Nauna nang inanunsyo ng Vivamax Middle East and Europe na  sasadya mismo ang direktor na si Darryl Yap, aktres na si Cristine Reyes at si Senator Imee Marcos sa isang special screening sa Dubai, UAE sa Agosto 19, Biyernes.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Matapos naman ma-sold out agad ang special screening ay ipinaabot ng pamunuan ng Vivamax na mas maraming sinehan pa ang magbubukas sa Agosto 20, Sabado, para maakomoda ang mga tagasuportang Pinoy sa banyagang bansa.

Nitong Sabado, Agosto 13, nagbukas na rin ang pelikula sa mga sinehan sa Japan kung saan naispatan si Yap at Reyes sa premiere event.

Samantala, kumpirmado na ring lilipad ang “Katips” sa Dubai na mapapanuod ng mga kababayang tagasuporta sa Vox Cinemas, City Centre Deira mula Agosto 26-28, ayon na rin mismo kay Emirates Film Festival founder na si Ron Awa.

“See you in UAE!” mababasa sa shared Facebook post ni “Katips” director Vincent Tañada ngayong Sabado.