Aminado si Binibining Pilipinas 2022 first runner-up Herlene Nicole Budol na hindi niya narinig nang maayos ang tanong nang unang ibato sa kaniya sa wikang Ingles kaya’t maaaring nauwi sa sabaw moment ang kaniyang Q&A round.
Abot-abot na lang ang pasasalamat ni Herlene na isinalin ng napiling huradong si Cecilio Asuncion, founder at model director ng “Slay Model Management” ang kaniyang tanong.
Pag-amin kasi ng beauty queen sa halip na “transformation” ay “transportation” ang unang pumasok sa kaniyang isipan.
“Kung English ‘yun na-gets mo ba agad ang sinabi?” tanong ni Toni Gonzaga nang makapanayam kamakailan si Herlene sa kaniyang YouTube channel.
“Akala ko po talaga transportasyon ‘yun,” ani Herlene.
“‘Di nga? Paanong tumatakbo sa isip mo nung narinig mo?” balik na tanong ni Toni.
“Kukuha ka lang po ng isang key word at yung key word na 'yun mali pa pala po yung pagkakaintindi ko,” sey ni Herlene. ‘Di ba magkahawig lang naman po?” sey ni Herlene.
Dagdag niya, dahil sa hiyawan ng fans ay hindi niya maayos na narinig ang tanong.
Matatandaang boluntaryong ibinigay ng huradong si Cecilio ang tanong sa Tagalog kahit na orihinal itong isinulat sa wikang Ingles.
“Opo kahit ‘di po ako nagtanong. Buti [na lang kasi], magsasalita na sana ako nun,” ani Herlene.
“Transportation pala yung nasa utak mo. Ano dapat ang isasagot mo sa transportation?” curious na tanong ni Toni
“For the traffic ang Philippines,” kuwela ngunit tila seryosong sabi ni Herlene.
Matatandaan ang tumatak na linyang, “At ang aking transpormasyon ay magbigay ng inspirasyon. Because I know for myself that I am beautiful, that I am uniquely beautiful with a mission,” sa sagot ni Herlene.
Samantala, kamakailan nauna nang napabalita rin si Herlene sa kaniyang pagsabak sa isang international pageant sa basbas na rin ng Binibining Pilipinas Charity.