Trending sa social media ang finale episode ng longest-running teleseryeng "FPJ's Ang Probinsyano" na tinutukan ng mga manonood sa Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, at iba pang social media platforms ng ABS-CBN.

Pitong taong umaksyon sa telebisyon ang naturang serye na idinerehe ng mismong bida nitong si Coco Martin bilang si "Ricardo Dalisay". Dahil dito, tinawag ang finale nitong "Ang Pambansang Pagtatapos".

Ano-ano nga ba ang mga naganap sa naturang Pambansang Pagtatapos?

Una, lahat ng miyembro ng Task Force Agila ay nasawi at ang natira lamang ay si Cardo. Ang nakapatay naman kay Renato Hipolito (John Arcilla) ay si President Oscar Hidalgo (Rowell Santiago) na makahulugan din ang linyahan bago siya pumanaw.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

"Akin ang Pilipinas… ako ang Pangulo ng Bagong Pilipinas!" ayon kay Hipolito bago malagutan ng hininga.

Pinarangalan naman ni Hidalgo ang mga nasawing miyembro ng Task Force Agila. Buhay naman si Cardo at paggising niya, dito na niya nalamang "hindi na siya nahintay" ni Lola Flora, na ginagampanan naman ng yumaong si Susan Roces.

Dito na pumasok ang pagbibigay-tribute nila sa Queen of Philippine Cinema. Ipinakita nila ang ilang throwback na eksena nito simula noong maliit pa si Cardo hanggang sa naging masalimuot na ang mga pangyayari.

Kapansin-pansin naman sa lapida ng puntod ni Lola Flora na ginamit nila ang tunay na kaarawan at petsa ng kamatayan ni Susan (Hulyo 28, 1941-Mayo 20, 2022).

Naging 'First Lady' naman si Aurora (Sharon Cuneta) nang pakasalan siya ni President Hidalgo.

Minabuti ni Cardo na bumalik sa probinsya upang makapiling ang kaniyang pamilya.

Nagtapos ang serye nang may mapansin siyang isang pamilyar, nakatalikod na babae sa isang dalampasigan habang nagmamaneho siya't binabaybay ang daan.

Bumaba siya at nilapitan ito. Ito ay walang iba kundi si Mara (Julia Montes), na inilarawan bilang "Ang Huling Pag-ibig" ni Cardo Dalisay.

Napansin naman ng mga netizen na tila "nanaba" raw si Julia, nakasuot ng jacket, at nakapokus lamang ang camera sa mukha nito.

Saka lamang nakita ang kabuuan ng katawan nito sa aerial at malayuang shots.

Matatandaang lumutang ang mga espekulasyong buntis umano ang aktres kaya bigla na lamang nawala ang karakter nito sa kalagitnaan.

Samantala, marami naman sa mga netizen ang nagpahayag ng kanilang papuri at pasasalamat para kay Coco Martin at sa lahat ng mga bumubuo ng show, mula sa cast at production team, sa loob ng pitong taon.

"Ironic. A broadcast company without its own franchise to air on free TV has rallied thousands, perhaps over a million people, to watch a series that ran for 7 years. Definitely a moment in PH's TV history."

"Admit it or not, dinner will not be the same anymore without hearing 'Cardo' or 'Ang Probinsyano' every night. And no matter how much we joke about it, we’ll miss seeing Cardo on TV. My family will miss this show, lalo na si Papa."

"Admit it or not, FPJ's Ang Probinsyano somewhat became a part of everyone's life. You'll certainly remember a memory from the past when you think of Ang Probinsyano. For me, it's the family dinner together while it's playing on tv."

Samantala, bali-balitang ang gagawing proyekto ni Coco ay isa na namang remake ng pelikula ni Da King Fernando Poe, Jr.

Ayon sa mga kumakalat na tsismis, ito raw ay "Batang Quiapo" o kaya naman ay "Isusumbong Kita sa Tatay Ko".