Nanindigan ang opisyal ng Episcopal Commission on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pag-iisang dibdib ay dapat sa isang babae at isang lalaki lamang.
"Hindi naman na kami nabigla dahil 'yan namang pong panukala na 'yan kahit noon pa man ay meron na lalong-lalo na sa lower house," saad ni Episcopal Commission on Public Affairs executive secretary Fr. Jerome Secillano sa kaniyang panayam nitong Biyernes sa Dobol B TV.
"Yung ginawa po naman ni Senator Robin Padilla karapatan naman niya po 'yun bilang isang mambabatas pero kami naman po sa simbahan ay nananatili ang paninindigan na ang kasal talaga ay dapat unawain sa aspeto ng pag-iisang dibdib ng isang babae at lalaki," dagdag pa niya.
Nakasulat naman daw ito sa Bibliya at sa Konstitusyon.
Gayunman, nilinaw ni Secillano na hindi pa nakakapagbigay ng pahayag ang pamunuan mismo ng CBCP dahil hindi pa nagtitipon-tipon ang mga obispo.
Saad pa ng executive secretary na hindi pa nila nababasa ang buong panukala ni Senador Robin Padilla kung ipipilit ba sa mga religious sector/group ang tungkol sa same-sex union.
Aniya, kung ipipilit daw ito ay maaaring magkaroon ng violation sa religious right.
“Kailangan malaman natin ano ba ang nilalaman ng panukala ni Senator Robin Padilla kasi possible naman na hindi naman din talaga pinipilit na pati yung mga religious groups ay talaga i-honor yung ganyang panukala," aniya.
“Ang ibig kong sabihin ng infirmity, puwede maging violation yan ng religious right din. Ano ba ang karapatan ng isang relihiyon? Na hindi siya puwersahin ng Estado na gumawa ng bagay-bagay na labag sa kanyang paniniwala,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Secillano na ang kanilang paniniwala bilang simbahan ay naka-ugat sa Bibliya. Kaya't naninindigan sila na ang pag-iisang dibdib ay ginagawa lamang sa pagitan ng isang babae at isang lalaki.
Kaugnay na Balita: https://balita.net.ph/2022/08/11/sen-robin-padilla-naghain-ng-batas-hinggil-sa-same-sex-union-sa-bansa/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/08/11/sen-robin-padilla-naghain-ng-batas-hinggil-sa-same-sex-union-sa-bansa/