Maraming mga netizen ang naantig ang damdamin sa viral Facebook post ng gurong si Cyrell Jones Sidlao o "Teacher CJ", SPED teacher mula sa Buyos Elementary School sa Sindangan, Zamboanga Del Norte, tungkol sa isang batang lalaking sinamahan ng dalawang pulis sa kanilang paaralan upang i-enrol ito.
Nagtaka umano ang guro kung bakit mga pulis ng Sindangan ang sumama sa bata, ayon sa kaniyang Facebook post noong Agosto 4.
"I need to share this!!" anang guro.
"Nagpunta sa school namin ang PNP Sindangan to enrol this learner. I asked them kung bakit sila ang nag-enrol sa bata. I just found out na wala na palang parents na masasandalan, walang mapuntahan & napariwara."
"So PNP Sindangan decided na sila ang magkupkop sa bata. Magsilbing magulang para paaralin, alagaan at ituwid ang kaniyang buhay ❤️. Nakakataba ng Puso! Saludo ako sa inyo Sindangan Municipal Police Personnel headed by Sir Mario Manipon."
"Thank you for choosing Buyos Elementary School. Rest assured that I will teach him moral values & proper education.
Mabuhay kayo!" pahayag pa ni Teacher CJ.Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/06/batang-namumuhay-mag-isa-pinag-aral-ng-hepe-ini-enrol-ng-mga-pulis-sa-paaralan/">https://balita.net.ph/2022/08/06/batang-namumuhay-mag-isa-pinag-aral-ng-hepe-ini-enrol-ng-mga-pulis-sa-paaralan/
Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online kay Teacher CJ, ang nagdesisyon daw na kupkupin at pag-aralin ang naturang bata ay ang hepeng si PLTCOL Mario Manipon, at pinakisuyuan niya ang dalawang pulis na sina PSSg. Rogelio M. Canton, Jr. at PSSg. Archie M. Tumilap na i-enrol na ang bata sa paaralan.
"Kuwento po nila, yumao na raw po ang ama ng bata, at ang ina naman ay may iba nang pamilya. May mga kaanak naman ang bata pero mas pinili raw umano nitong gumala-gala at mamuhay mag-isa," salaysay ni Teacher CJ.
Minarapat na raw ng hepe na mas mainam kung ipapasok sa paaralan ang bata upang makapagtamo ng pormal na edukasyon.
Makalipas ang ilang linggo, inalam ng Balita Online kung kumusta na ba ang bata matapos itong eksklusibong maibalita rito.
"Ang dami po nag-message sa akin. Iba-iba po, meron pong nagpaabot ng paghanga sa mga pulis, meron ding gusto tumulong at may nag-message rin sa akin na humihingi ng tulong sa kanilang bata na may special needs. Ang dami rin nag-share na mga news page sa Facebook na humanga sila sa ginawa ng mga pulis," ayon kay Teacher CJ.
Hindi raw inasahan ng mga pulis na magba-viral at maraming matutuwa sa kanila.
"Nakausap ko sia, hindi nila na-expect na mag-viral yung picture. Natuwa sila na makakabasa ng mga comment sa paghanga at masaya rin sila na naipakita na andiyan sila, tumutulong para mabigyan ng magandang bukas ang bata. Ika nga, 'service with a heart'".
Nagpasalamat si Teacher CJ sa Balita Online at Manila Bulletin dahil umapaw ang tulong para sa batang namumuhay na lamang mag-isa.
"Meron pong nag-donate ng damit at sapatos sa bata. Meron rin po nag-donate ng pera para pambili ng snacks & school materials para sa mga bata with special needs. Talagang nagpapasalamat ako sa Balita & Manila Bulletin. Kayo ang naging tulay na mapansin ng mga netizen at tumulong sa pag-donate para sa learners with special needs."
"Nakakataba ng puso na may nagpapaabot ng tulong para sa bata at SPED class. Ramdam ko ang Bayanihan & pagmamahal ng Pinoy netizens."
Kung may magpapaabot ng tulong sa bata at sa iba pang learners with special needs, kanino maaaring makipag-ugnayan?
"Puwede po kayo mag-reach out sa FB ko po: CYRELL JONES SIDLAO."
"Lahat po ng donations ay mapupunta sa mga learners with special needs, school supplies ng mga bata, snacks & materials. Lahat po na tulong will be documented & with receipts po. Maraming salamat po!"
Kudos sa PNP Sindangan, lalo na sa kanilang hepe, gayundin kay Teacher CJ. Tunay na inspirasyon ito para sa lahat!