Trending sa social media ang finale episode ng longest-running teleseryeng "FPJ's Ang Probinsyano" na tinutukan ng mga manonood sa Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, at iba pang social media platforms ng ABS-CBN.
Pitong taong umaksyon sa telebisyon ang naturang serye na idinerehe ng mismong bida nitong si Coco Martin bilang si "Ricardo Dalisay". Dahil dito, tinawag ang finale nitong "Ang Pambansang Pagtatapos". May hashtag itong #FPJAP7MissionAccomplished.
Pumalo sa higit 500K ang concurrent views ng serye sa YouTube channel pa lamang ng Kapamilya Online Live, at walang humpay ang tweets at social media posts hinggil sa serye, patunay na nakatutok ang mga manonood lalo na ang mga sumubaybay simula day 1 nito.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/13/first-lady-shawie-tribute-kay-susan-pagbulaga-ni-julia-mga-eksena-sa-finale-ng-fpjs-ang-probinsyano/">https://balita.net.ph/2022/08/13/first-lady-shawie-tribute-kay-susan-pagbulaga-ni-julia-mga-eksena-sa-finale-ng-fpjs-ang-probinsyano/
At speaking of avid viewer mula day 1, ginawaran ng netizen na si Jan Gutierrez, 33, mula sa Los Baños, Laguna, ang kaniyang amang si Mang Jaime A. Gutierrez, 68 anyos, dahil sa pagsubaybay nito sa longest-running teleserye, na nagsimula noong Setyembre 2015.
"Congratulations, Papa! For successfully completing all episodes of 'Ang Probinsyano'. Dasurv mo ang Certificate of Completion. Haha!" ani Jan sa kaniyang Facebook post, Biyernes ng gabi, Agosto 12. Kalakip nito ang litrato ni Mang Jaime habang bitbit ang sertipiko, at background naman ang kanilang telebisyon habang nanonood ng finale episode sa A2Z Channel 11.
Habang isinusulat ito, umabot na sa 1.3K shares ang naturang Facebook post.
Batay sa eksklusibong panayam ng Balita Online kay Jan, isang retiradong sundalo ang kaniyang ama, kaya relate na relate ito sa kuwento ni Ricardo Dalisay.
Wala raw mintis ang kaniyang Papa sa pagsubaybay sa naturang serye na inabot ng pitong taon.
"Nasubaybayan po nya. Present po sa lahat ng episodes. Relatable po sa kaniya yung ibang episodes sa series," saad ni Jan.
Idolo raw ni Coco Martin (Cardo Dalisay) ang kaniyang tatay, at kung mabibigyan ng pagkakataon, nais nitong makaharap at makadaupang-palad ang direktor-bida.
Apektado umano si Mang Jaime sa unti-unting pagkalagas ng mga miyembro ng Task Force Agila hanggang sa, si Cardo na lamang ang natira. Tila naalala raw niya ang kaniyang karanasan noong nasa tungkulin pa siya, kung saan na-ambush sila ng ilang miyembro ng New People's Army o NPA at siya lamang daw ang pinalad na nakaligtas.
"May encounter na po siya sa mga NPA. Actually, na-ambush po yung group nila sa bundok. Siya lang po ang naka-survive."
"Nasesepanx (separation anxiety) po si Papa. Wala na raw siya mapapanood," kuwento ni Jan, dahil nagtapos na nga ang serye.
Panawagan pa ni Mang Jaime para kay Coco at sa ABS-CBN, "Sana may susunod pa na palabas si Coco Martin. Susuportahan daw po ulit sila ni Papa."
Umere ang FPJ's Ang Probinsyano simula Setyembre 28, 2015 hanggang Agosto 12, 2022. Susunod namang lilipad sa Primetime Bida ang "Mars Ravelo's Darna: The TV Series" ni Jane De Leon.