La Trinidad, Benguet -- Naaresto ng awtoridad ang pitong drug personality at sinunog ang mahigit P2.5 milyong halaga ng halamang marijuana sa patuloy na anti-illegal drug operations sa Cordillera Region mula Hulyo 31 hanggang Agosto 6.
Sa talaan ng Police Regional Office-Cordillera Regional Operations Division (ROD), naaresto ng Baguio City Police Office ang anim na drug personalities habang isa naman ang Apayao PPO.Kinilala ang mga naarestong personalidad na sina Marivic Rodriguez, 61; Cherry Alsim, 37; Carlito Javier, 43; Joel Sales, 37; Margie Maaba, 44; at Carie Maaba, 42.
Sa Apayao, kinilala ang naarestong personalidad na si Claridel Mangligot, 42.
Ang mga serye ng anti-illegal drug operations na isinagawa ay nagresulta sa pagkakasamsam ng kabuuang 18.4 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P125,120.00.
Lahat ng mga naarestong suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa patuloy na marijuana eradication operation, may kabuuang 12,000 fully grown marijuana plants (FGMJP) na may SDP na P2,400,000.00 ang sinunog sa Kalinga.
Sa isa pang operasyon, nasa kabuuang 480 FGMJP na may SDP na P96,000.00 at 250 seedlings ng marijuana na may SDP na P10,000.00 ang winasak ng mga operatiba sa Benguet.