BAGUIO CITY – Hinatulan ng korte ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong drug personality na nahulihan ng ibinabiyaheng pinatuyong dahon ng marijuana noong 2020 sa siyudad na ito.
Sa 18 pahinang desisyon ni Judge Lilybeth Sindayen–Libiran, ng Branch 61, Regional Trial Court-First Judicial Region, Baguio City nitong Agosto 3, ang nahatulan ay sina Manuel Sanchez Balbuena, 22, tubong Balagtas, Bulacan, at residente ng Sunnyside Fairview, Tacay Road, Baguio City; Kasmir Vince del Mundo Gile at Keihl Gio Paraan Baniqued, pawang taga-siyudad ng Baguio.
Bukod sa naunang hatol, pinagmumulta din ang mga akusado ng P500,000 at sasailalim sa rehabilitation program.
Noong Disyembre 6, 2020, nakatanggap ng impormasyo ang mga tauhan ng BCPO-Police Station 2 hinggil sa isang Toyota Fortuner na may plate number na ZHX 404 na sinasabing may dalang marijuana na galing sa karatig-bayan ng La Trinidad, Benguet.
Agad na nagsagawa ng checkpoint ang pulisya at PDEA sa may boundary dakong alas 9:30 ng gabi at nang makita ang paparating na sasakyan ay pinahinto ito , ngunit pinahaharuot ng driver ang sasakyan patungong Baguio City.
Naharang ang papatakas na sasakyan sa Quarantine Checkpoint ng Lower Magsaysay, Happy Homes at hiniling ng pulisya sa driver at pasahero na ibaba ang bintana ng sasakyan.
Habang tinitignan ng pulisya ang loob ng sasakyan ay nakita ang 4 na mga tubo na natatakpan ng berdeng wrapper.
Nang hilingin ang may-ari ng sasakyan na buksan ang mga tubo, tumambad sa kanila ang mga hinihinalang namumulaklak na halaman ng marijuana. Kasunod na hiniling din nila sa mga suspek na buksan ang bag at nakita nga ang tatlong iba pang piraso ng hinihinalang tangkay ng marijuana sa tubular form.
Narekober mula sa mga suspek ang pitong tubular marijuana stalks na may bigat na mahigit-kumulang na pitong kilo, cellphone na may casing at dalawang itim na backpack.