Dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang dalawang babae matapos magpanggap na miyembro ng kanilang grupo sa ikinasang entrapment operation sa Marikina City nitong Huwebes.

Sa natanggap na report, kinilala ni PNP-ACG chief, Brig. Gen. Joel Doria ang dalawang suspek na sina Gina Gutierrez, 49, at Marry Ann Bersabe, 31.

Isinagawa ang operasyon batay na rin sa reklamo ng isang lalaking biktima na nakipagtransaksyon sa isang “Emerson Gerona Jr. Cabrera” via Facebook upang bumili ng iPhone 13 sa pamamagitan ng installment payment basis kamakailan.

Sa salaysay ng biktima, nagpadala siya ng paunang bayad na ₱18,450 kay Cabrera.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Pagkatapos nitong magbayad, kaagad umano itong binlock ni Cabrera sa Facebook kaya kaagad siyang nag-post ng babala sa social media.

Nakatanggap aniya siya ng mensahe sa isang Facebook page na nagbigay sa kanya ng email address na maaari umanong makatulong sa kanya upang mai-refund ang kanyang pera.

Nang magpadala ng mensahe ang biktima sa naturang email, inasatan siyang magbayad ng ₱7,500 upang maiproseso ang kanyang kahilingan at tutulungan umano ito ng tauhan ng PNP-ACG.

Noong Agosto 9, nakatanggap aniya siya ng tawag mula sa isang nagpakilalang taga-PNP-ACG at hiniling sa kanya na magbayad ng ₱4,500 na processing fee.

Dahil sa pagdududa, kaagad na nagsumbong sa PNP-ACG ang biktima at nagsagawa ng entrapment operation na ikinaaresto nina Gutierrez at Bersabe matapos nilang kunin ang perang inihulog sa isang remittance center.

Nakumpiska sa dalawang suspek ang dalawang cellular phone, transaction slip ng remittance center, apat pirasong ₱1,000 at isang ₱500 bill.

Nahaharap sa kasong swindling/estafa at usurpation of authority or official functions (Cybercrime Prevention Act of 2012) at paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 ang dalawang suspek.

PNA