Binatikos ng isang transport group ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng pamahalaan dahil hindi umano sila kinonsulta bago ito ipatupad.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi niLiga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) president Orlando Marquez, Sr., wala silang natanggap na imbitasyon mula sa mga opisyal ng gobyerno sa panahong tinatalakay pa lamang ang programa.
“Sana ho kung kinonsulta nila 'yung mga barangay, etong public transport na serbisyo-publiko sa mamamayan, sa maliliit ang kinikita, sana naman ikonsidera naman po kami. Hindi naman kami salot sa lipunan po eh," pagdidiin ni Marquez.
“Hindi naman namin tinuturuan ang aming mga drayber sa hindi pagsunod sa batas,” anito.
Sa ilalim ng programa, pagmumultahin ang mga may-ari ng behikulo o operator ng mga pampublikong sasakyan para sa paglabag sa batas-trapiko ng mga drayber.
“Gusto namin ipasunod sa batas, pero sana ho, kung itong local government unit (LGU) ay gawin nila 'yung kanilang traffic education muna, 'di ba ho, na sa loob ng 6 na buwan lahat ng magva-violation, 3rd offense, 4th offense, dapat dumaan ka na sa tamang seminar, training, driving, school, siguro 'yan ho ay gagawin na ng local kung talagang gusto nilang tulungan ang ating mga constituent,” banggit nito.
“Dapat i-educate niyo kami ano man 'yung problema dahil kayo 'yung may pondo. I-educate niyo kami, 'wag lang 'yung kaming gawin niyong palabigasan. 'Wag namang ganoon,” sabi ni Marquez.
Masyado rin aniyang mabigat sa bulsa ang multa sa NCAP. '"Yung kanilang mga penalty, ay sinupersede nila 'yung mga penalties sa Republic Act 4136, at kapag penalty ang pinag-uusapan, dadaan sana sa legislative agenda ng Kongreso," pagpapatuloy nito.
Kinuwestiyon din nito ang pagkuha ng mga LGU ng mga contractor upang maipatupad ang NCAP.
“Bakit pribado ang nag-i-implement? Nangongomisyon na lang po, masakit na pakinggan 'yung sinabi ko. Bakit nangongomisyon na lang ng 40 percent ang mga siyudad na mag-i-implement nito? Alam naman namin na kayang-kaya nilang bilhin 'yung mga CCTV camera," sabi pa ni Marquez.