Ikinalungkot ng industriya ng sports ang pagpanaw ng isa sa mga pinakamahusay na atleta ng Pilipinas---si Asia's Sprint Queen Lydia De Vega-Mercado, Miyerkules, Agosto 10, dahil sa apat na taong pakikipaglaban sa breast cancer.
Yumao si Lydia sa gulang na 57, na inihayag ng kaniyang anak na si Stephanie de Koenigswarter sa kaniyang social media account.
“On behalf of our family, it is with absolute grief that I announce the death of my mother, Lydia de Vega (at) this event, Aug. 10, 2022, at the Makati Medical Center,” ani Koenigswarter.
“She fought a good fight and is now at peace.”
Matatandaang bumuhos ang suporta ng mga tao kay De Vega-Mercado matapos ihayag ng kaniyang anak na nasa kritikal na kalagayan ito.
Tinaguriang "Asia's fastest woman" si De Vega-Mercado dahil sa kaniyang mga panalo sa sprint, na nagdala ng karangalan hindi lamang sa PIlipinas kundi sa buong Asya.
Siya ay two-time Asian Games gold medalist, four-time Asian champion at nine-time Southeast Asian Games gold winner.
Bukod dito, siya rin ay two-time Olympian, na kinatawan ang bansa noong 1984 Los Angeles at 1988 Seoul Olympics.
Nagpahatid ng pakikiramay si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Terry Capistrano para sa pamilya ng namayapa.
“On behalf of the men and women of the PATAFA, our deepest condolences and prayers to the family of the great Lydia de Vega. We lost one of our own, one of our best, but her spirit will live on in our hearts,” saad ni Capistrano.