Iniulat ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes na umaabot na sa mahigit 19.2 milyon ang mga estudyante na nagpatala na para sa School Year 2022-2023.

Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2022-2023 na inilabas ng DepEd, nabatid na hangggang alas-7:00 ng umaga ng Agosto 11, 2022, umabot na sa kabuuang 19,263,425 ang bilang ng mga nagparehistro na mga mag-aaral para sa darating na taong panuruan.

Sa naturang bilang, 16,943,745 ang nagpatala sa mga pampublikong paaralan; 2,254,879 ang nagpatala sa mga pribadong paaralan habang 64,801 naman ang nagpa-enroll sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).

Pinakamarami pa rin umano ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 2,802,842; na sinusundan ng Region III (Central Luzon) na umabot sa 2,180,334 at National Capital Region (NCR) na nasa 2,161,816 na.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Pinakakaunti pa rin ang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR), na nasa 292,842 pa lamang.

Matatandaang sinimulan ang enrollment period sa bansa noong Hulyo 25 at magtatagal hanggang sa Agosto 22, na siyang unang araw ng pasukan.

“Tandaan na mayroon tayong tatlong pamamaraan sa pagpapatala: in-person, remote, at dropbox enrollment.Dagdag pa rito, ang ating mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala nang in-person o digital,” anang DepEd.

“Sa pagpunta sa mga paaralan, ating panatilihin ang proteksyon ng bawat isa. Huwag kalimutang sundin ang ating mga health and safety protocols,” anito pa.