Panibagong markadong kasaysayan na naman ang naganap para sa Philippine media and television matapos maselyuhan ang partnership deal ng ABS-CBN ng pamilya Lopez at MediaQuest (TV5) ng chairman nitong si Manny Pangilinan.

Present sa contract signing si MVP at iba pang opisyal ng MediaQuest gayundin ang ABS-CBN Chairman na si Mark Lopez, President and CEO Carlo Katigbak, at iba pang matataas na ehekutibo ng estasyon.

Sa pamamagitan ng kanilang "investment agreement", makakukuha ang Kapamilya Network ng 34.99% ng total voting and outstanding capital stock mula sa Kapatid Network. Ang MediaQuest naman, na 99.67% ang pagmamay-ari sa TV5, ay makakakuha ng 64.79%.

Bukod dito, naisarado na rin ang deal para sa Cignal at Sky Cable na ganito rin ang magiging sistema. Binili ng Cignal ang is Exchangeable Debt Instrument mula sa Sky Cable na nagkakahalagang ₱4.388B, na nagbigay ng option sa Cignal na makakuha ng dagdag na 61.12% sa shares ng Sky Cable.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nagsalita naman ang dalawang chairman sa bagong deal na ito, na anila ay tulungan ng dalawang network. Tutulungan ng ABS-CBN ang TV5 na mas lumago pa bilang network sa pamamagitan ng content, at ang TV5 naman, behikulo upang mas marami pang makapanood ng Kapamilya shows na nalimitahan matapos itong mawalan ng prangkisa sa free TV.

"For ABS, it presents a fantastic platform for us to achieve synergies in production content and talent management as well as maximizing our content delivery. We look forward to be of greater service to the public as we come together in taking TV5 to the next level," ayon kay ABS-CBN Chairman Mark Lopez.

"ABS-CBN has always been the leading developer and provider of Filipino-related entertainment content not only in the Philippines but overseas as well. Our companies have always had these cherished values of providing top and quality programs in the service of the Filipino people and together we believe we can achieve this in greater measure and success," pahayag naman ni MediaQuest Holdings at PLDT Chairman Manny Pangilinan.

Bago pa ang deal na ito, nauna nang nagkaroon ng blocktime agreement ang dalawang TV networks kaya napapanood sa TV5 ang ilang mga Kapamilya Shows; samantala, ang blocktimer naman ng TV5 na "Lunch Out Loud" (Tropang LOL) ng Brightlight Productions ay kaback-to-back na ng noontime show na "It's Showtime".

Marami rin sa mga talents at artists ng Kapamilya Network ang nagkakaroon ng show o proyekto sa TV5.

Samantala, nanawagan naman si Cong. Rodante Marcoleta sa Philippine Competition Commission (PCC) at National Telecommunications Commission (NTC) na busisiin ito dahil posible raw "circumvention" ng batas.

"Ang nakikita ko ay parang circumvention ng batas yung gagawin nila na madaliang joint venture between ABS-CBN and TV5."

"Yung Philippine Competition Commission, hanapan din sila ng parang consent dito…Kailangan malinis na mailatag yan. Dapat kunan muna ng opinyon ang PCC sapagkat yung acquisition or merger or kahit ano pang sabihin nilang partnership, kinakailangan na dumaan."

"Kasi makikita mo 'yan, TV5 malaki yan, pagkatapos ABS-CBN, mamo-monopolize yung industry dito, Wala bang say dito ang PCC? Magiging monopoly ito," ayon pa sa abogado-solon.

Sana raw ay muling tutukan ng NTC at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga violations ng Kapamilya Network batay sa kanilang mga ebidensya noong Congress hearing.

Matatandaang isa si Marcoleta sa mga nanguna sa pagdinig ng kaso ng ABS-CBN hinggil sa franchise renewal nito noong 2020, na nakakuha naman ng "No".

Bago bumaba sa puwesto, inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang hindi makapag-renew ng prangkisa ang ABS-CBN, sa tulong umano ng Kongreso.