Posibleng sa taong 2023 pa matanggap umano ng Pilipinas ang suplay nito ng monkeypox vaccines.
Ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay nakikipag-koordinasyon na sila sa pribadong sektor na nagpahayag ng intensiyon na tulungan ang DOH sa pagbili ng mga bakuna para sa nasabing di pangkaraniwang sakit.
Aniya, sakaling makabili man sila ng gamot ay maaaring sa taong 2023 pa bago ito maideliber sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Vergeire na gumagawa sila ng mga pamamaraan upang kahit minimal amount lamang ng bakuna ay makakuha na sila agad, para mabigyan kahit ang mga healthcare workers muna.
“What we are doing right now in the country is really coordinating with our private sector counterparts, and meron namang nag-signify that they will be helping us,” pahayag pa ni Vergeire, sa isang panayam sa isang news channel nitong Miyerkules.
“Unfortunately, doon po sa mga pag-uusap, ang pinaka maagang delivery kung sakaling makabili tayo would still be 2023, so we are still trying to explore that avenue where we can just request kahit minimal amount muna para mabigyan lang natin kahit healthcare workers muna,” aniya pa.
Dagdag pa ni Vergeire, nakikipagkomunikasyon na rin sila sa iba pang member-countries ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) para sa pagbili ng bakuna.
“With the Asean, it is still in this stage of exploratory meetings that the whole Asean membership – these ten countries – will be procuring [vaccines] as one, so we can have stocks for all of these countries, but at the initial stage pa lang po iyon,” ani Vergeire.
Matatandaang noong Hulyo 29 ay kinumpirma ng DOH na naitala na nila sa bansa ang kauna-unahang kaso ng monkeypox.
Ang naturang pasyente ay nakarekober naman na at nakatapos na ng kanyang isolation period.