Iminungkahi ni Senador Robin Padilla ang ropeway o aerial cable cars bilang tugon sa problema sa trapiko, lalo na sa Metro Manila.
Ginawa ng senador ang pahayag sa plenary session noong Martes, Agosto 9, matapos manawagan si Senador JV Ejercito kung paano mapapabuti ang railway system ng bansa.
Sa paunang pahayag ni Padilla, sinabi niyang hindi umano uunlad ang bansa kung ang trapik ay masama."Noong ako ay nasa first year ng Criminology, pinagusapan po namin ang trapik. 'Yan ang isa sa mga subject diyan na sinabi doon na kapag ang trapik natin ay masama, ang pag-unlad ng isang bansa ay masama din," aniya.
"Kaya nangangahulugan kailangan natin ayusin ang trapik. At maaayos lamang 'yan kung may magandang transportasyon,"dagdag pa niya.
Sa gayon, iminungkahi ng baguhang senador ang paggamit ng ropeway o cable car sa Pilipinas dahil ito raw ay nauuso sa ibang bansa.
“Ngayon lang po, gusto ko lamang pong imungkahi sa ating mahal na senador [Ejercito] sa San Juan, meron pong isang nauuso din ngayon na kung tawagin po nila ngayon ay ropeway. Ito po ‘yung paggamit ng cable,” saad ni Padilla.
“Nais ko rin po sana na imungkahi po sa inyo na ito po ay bagay din sa Pilipinas, lalong-lalo na sa Metro Manila, dahil sa traffic. Ito po ’yung mga cable car,” dagdag pa niya.