Nilinaw ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na hindi pa rin mandatory na magpaturok ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccine at magpa-booster shot ang mga estudyante sa kabila ng nalalapit na implementasyon ng face-to-face classes sa Nobyembre 2.
Pagdidiin ni DepEd spokesperson Michael Poa, tumatalima lamang aniya sa national policy ang ahensya kaugnay ng hindi sapilitang pagbabakuna.
Kamakailan, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga estudyante na magpaturok na bilang proteksyon sa sakit.
“Of course, we are one with the President in encouraging everyone to get either vaccinated or get their booster shots kung hindi pa sila nakakapagpa-booster. However, as we all know, the government’s vaccination program is not mandatory in nature. Voluntary pa rin po siya. As a matter of national policy, sumusunod din ang DepEd. Hindi po tayo mandatory sa DepEd,” paliwanag pa ni Poa.
Pinawi rin nito ang pangamba ng mga magulang sa posibleng diskriminasyon ng DepEd sa hindi bakunadong mga guro at estudyante.
Nauna nang sinabi ni Vice President, Education Secretary Sara Duterte na wala siyang nakikitang problema kung magkakahalubiloang mga mag-aaral na bakunado at hindi bakunado sa sandaling ibalik na ang face-to-face classes dahil nagkakahalubilo rin naman ang mga ito sa ibang lugar, katuladng mga malls at iba pang pampublikong lugar.
Binigyang-diin din ni Poa ang kahalagahan ngpagtalima sa minimum public health standards, bilang tugon sa pahayag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na “very possible” ang pagtaas ng Covid-19 cases sa sandaling simulan ang face-to-face classes.