Iniulat ng independiyenteng grupong OCTA Research nitong Miyerkules, Agosto 10 na bumaba sa 5% ang one-week growth rate ng COVID-19 infections National Capital Region (NCR).
Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang growth rate ng COVID-19 sa NCR hanggang noong Martes, Agosto 9, ay bumaba sa 5% mula sa dating 14% noong Agosto 2, matapos na makapagtala ng 828 bagong kaso ng COVID-19.
Samantala, ang reproduction number naman sa NCR ay bumaba rin sa 1.17 mula sa dating 1.24.
Ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring maihawa ng isang pasyente ng COVID-19.Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawaan ng virus.
“With 828 new cases reported in the NCR on August 9, 2022, the one-week growth rate in the NCR decreased to 5%.The reproduction number also decreased to 1.17,” ani David.
“This once again gives us hope that the peak of the wave in the NCR may occur by next week (no guarantees, of course),” pahayag pa ni David.
Samantala, ang 7-day average sa NCR ay bahagya namang tumaas sa 1,275 o may average daily attack rate (ADAR) na 8.85 per 100,000 population.
Ang one-week positivity rate naman o yaong porsyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit, mula sa bilang ng mga taong nasuri, ay bumaba rin ng mula 17.4% noong Agosto 6 ay naging 15.9% na lamang noong Agosto 9.
Ang healthcare utilization rate naman ay nasa 35.7% habang ang ICU occupancy ay bahagyang tumaas sa 31%.
Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni David na hindi pa ito kasiguruhan na may nagaganap na ngang downward trend ng COVID-19 cases sa rehiyon.
“The trends need to be consistent for about a week before we can confidently say there is a downward trend,” aniya.
“Hoping (and projecting) cases peak by next week in the NCR. Stay Safe everyone,” dagdag pa niya.