Pinasususpindi ng isang kongresista mula sa Mindanao ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) na matagal nang ipinatutupad sa Metro Manila.
Sa privilege speech nitong Martes, tinalakay ni Rep. Robert Ace Barbers (2nd District, Surigao del Norte) ang NCAP at hiniling sa liderato ng Kamara na agad itong suspendihin para marepaso at masuri nang husto.
Sinabi niya na bagamat maganda ang layunin ng nasabing polisiya, ang implementasyon ng NCAP ay lalo lang magdudulot ng maraming katanunngan kaysa kasagutan.
Ayon kay Barbers, ang mga katanungan at pagdududa sa implementasyon ng NCAP ay kailangang maipaliwanag, gaya ng kung aling ahensya ang mangangasiwa o in-charge sa mga alituntunin sa trapiko sa National Capital Region (NCR).
Kinuwestiyon din niya kung may sapat na road signs at warnings, at kung makukuha ng camera o CCTV ang mga plaka o plate number ng mga sasakyan kung gabi o kapag malakas ang ulan.
Tinanong din niya kung ang mga paglabag o violation citations ay iisyu rin sa mga sasakyan ng gobyerno kapag lumabag.
"With these questions, I ask the leadership (to) initiate actions to immediately effect the suspension of this NCAP until we have answered the questions to the satisfaction of the public," anang kongresista.
Sa panig naman ni Rep. Franz Pumaren (3rd District, Quezon City), pangunahing may-akda ng NCAP,sinusuri nanila nang husto ang panukala sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga stakeholders sa QC local government.