Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules ang lahat ng mga negosyante sa lungsod na lumikha ng mas marami pang trabaho para sa mga residenteng senior citizen na o di kaya ay may kapansanan o persons with disability (PWDs).

Ang panawagan ay ginawa ng alkalde matapos siyang makipagpulong sa mga opisyal ng Shakey’s Pizza, na nakipag-partner sa city government upang matulungang mabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho ang mga naturang indibidwal, sa kabila ng kanilang edad at kapansanan.

Sa naturang pulong, pinasalamatan ni Lacuna ang mga opisyal ng Shakey’s at hiniling sa mga ito na lumikha pa ng mas maraming trabaho para sa mga senior citizens at PWDs.

Nabatid na lumagda ang alkalde ng memorandum of agreement sa nasabing food establishment, kung saan napagkasunduan nilang ang lahat ng 10 sangay nito sa lungsod ay tatanggap ng isang senior citizen at isang PWD bilang trabahador.

Metro

Tricycle driver, pinagtulungang patayin ng mga kapitbahay?

Matatandaang ang naturang programa na pagkakaloob ng trabaho sa mga matatanda at mga physically-challenged individuals ay pinasimulan ni dating Manila Mayor Isko Moreno noong pre-pandemic period ngunit natigil dahil sa pandemya ng COVID-19.

Bilang bagong alkalde ng lungsod, tiniyak naman ni Lacuna na ipagpapatuloy niya ang naturang programa at paghuhusayin pa ito.

Anang alkalde, maraming matatanda ang handa pa ring magtrabaho sa kabila ng kanilang edad, kahit na part-time lamang.

Gayunman, dahil sa employment situation at forced retirement sa bansa ay hindi nila ito magawa kaya’t napipilitan silang manatili na lamang sa bahay at mag-alaga ng kanilang mga apo.

Ani Lacuna, kung madadagdagan pa ang mga establisyemento na magkakaloob ng trabaho sa mga senior citizen at mga PWDs ay matutulungan ang naturang sektor na maging produktibong miyembro ng lipunan at magkaroon ng pagkakakitaan upang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Giit ni Lacuna, kahit maliit lamang ang kanilang kikitain ay magiging malaking tulong na ito upang makabili sila ng mga pangunahing pangangailangan, gaya ng gamot at pagkain.

Binigyang-diin pa ni Lacuna na sa Maynila ay nais nilang mabigyan ng pantay na oportunidad ang lahat.

Umaasa rin siya na maraming establisimyento ang makikiisa sa kanilang naturang magandang layunin.

Tiniyak rin naman ng alkalde na ang mga senior citizens ay bibigyan lamang ng magaang trabaho at isasailalim sa mahigpit na requirements para sa kanilang sariling proteksyon, gaya ng pagkuha muna ng cardio-pulmonary clearance bago matanggap sa trabaho.