Trending sa Twitter sina Kaladkaren at Ruffa Gutierrez ngayong Miyerkules kasunod ng magkaibang punto kaugnay ng isang Beklamation round sa It’s Showtime segment na Miss Q&A.
Sa playtime question kung bakit walang napapabalitang umasensong langgam sa kabila ng pagiging sipag nito, magkaibang punto ang binitawan ng daily winner at reigning queen.
Para sa daily winner, ang disiplina ng mga langgam ang sagot ng pag-asenso habang para sa reigning queen, unity ang sagot sa pag-unlad.
“You’re very relaxed in spite of the challenging question being asked to you. But today, you’re too relaxed, agad na puna ni Ruffa sa reigning queen.
“Magandang prino-promote mo yung unity kasi 'yun talaga ang kailangan natin ngayon especially ‘yung mga tao nag-aaway-away, lagi nagba-bash-bash. Kahit mga langgam ‘yan, ‘di natin alam kung ano nangyayari sa kanila. Malay mo nag-aaway-away din sila. But I love that you promoted unity,” dagdag ni Ruffa habang pinayuhan itong mas ipakita pa ang kumpiyansa sa sarili sakaling muli pang makoronahan.
Sunod na nagkomento si Jugs Jugueta sa daily winner na pinuri ang sagot nitong sumentro naman sa disiplina.
“Napagaling mo talaga. I’m rooting for you,” sey ni Jugs.
Sa komento naman ni Kaladkaren, parehong binigyang-punto ng hurado ang kahalagan ng parehong pananaw ng dalawang contenders.
Unang pinuri ni Kaladkaren ang isinusulong na disiplina ni daily winner habang kinilala naman niya ang matalas na atake ng reigning queen sa tanong.
Suhestiyon ni Kakadkaren sa dalawa: “I think kung ako ang tatanungin dito sa question since play time siya, it has to be a balance of wit and sense.”
Dagdag niya, “Pwede niyo siyang gawing metaphorical: Yung mga langgam parang mga tao. ‘Di ba ‘yung mga mahihirap nating kababayan, kahit gaano silang kahirap nagtatrabaho, hindi sila umaasenso because of bad system, because of so many things na mga social issues na nao-oppress sila. Pwedeng ganon yung atake.”
Dahil sa magkaibang pananaw ni Kaladkaren at Ruffa ay agad na nag-landing sa social media ang komento ng dalawang hurado dahilan para mag-trend ang topics na Kaladkaren at Ruffa sa Twitter.
Ilang netizens ang pumuri sa punto ni Kaladkaren ukol sa "bad system" na pumipigil sa pag-asenso ng mga Pilipino.
Sinegundahan din ng partikular na halimbawa ng ilang netizens ang nais na ipakahulugan umano ni Kaladkaren sa naging komento nito.
Wala pang reaksyon sina Ruffa at Kaladkaren ukol sa pinag-uusapang pagkukumpara ng netizens.