Wala umanong masama sa pinag-usapang "party-party" ng mga senador, politiko, at maging ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa birthday celebration ni Senador Sonny Angara noong Agosto 7, kung saan kumalat sa social media ang umano'y masayang pagkanta nila, ayon kay Senador Raffy Tulfo.
Pinuna ng mga netizen ang kasiyahan ng mga senador, mga naimbitahang politiko, at pangulo gayong marami umanong mga Pilipino ang humaharap sa hirap dahil sa matinding implasyon o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto.
Ayon sa panayam sa senador na dating news anchor, wala umano siyang nakikitang masama rito dahil mga tao lamang din sila at kailangan din naman nilang mag-relax.
Isa pa, hindi lang daw ito basta party kundi party for a cause.
Bagay na kinumpirma naman ni Angara sa kaniyang tweet pagkatapos ng party. Ang nalikom umanong donasyon ay mapupunta sa Philippine General Hospital (PGH) Foundation. Pumalo sa ₱3M ang naipon na pera mula sa mga dumalong bisita, sa halip na magbigay ng regalo sa kaniya.
Nagpasalamat si Angara sa kaniyang pamilya at mga kaibigan dahil sa pa-party ng mga ito sa kaniya, lalo na kina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez.
"Big thanks to: my family for throwing me a 50th bday party with musical numbers from family and friends; thank you to my fellow senators led by SP Zubiri for their impromptu song number, with an epic surprise participation by a very game PBBM (thank you Mr President, FL Liza M ,Spkr Romualdez) and a very nice song from the Senate spouses 🥰🥰👏🏼👏🏼👏🏼 ," aniya.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si PBBM tungkol dito.