Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga pinuno ng mga public schools sa bansa na hindi sila dapat na mangolekta ng pera o mag-solicit mula sa mga magulang o mga stakeholders para sa pagdaraos ng Brigada Eskwela.
Ang pahayag ay ginawa ng DepEd nitong Lunes, kasunod ng mga ulat na ilang guro umano ang nagso-solicit ng mga materyales gaya ng mga pintura upang pagandahin ang mga silid-aralin para sa pagbabalik ng in-person classes.
Sa isang Facebook post naman noong Agosto 5, isinaad na ang “Brigada Eskwela” ay nagiging panahon upang maging “professional beggars” ang mga guro.
“School heads are reminded that in the implementation of 2022 Brigada Eskwela (BE), no fee shall be collected from parents/guardians or solicited from other volunteers and stakeholders, based on DepEd Order No. 062, s. 2022,” ayon naman sa DepEd, sa isang pahayag.
Sinabi rin ng kagawaran, na ang Brigada Eskwela ang siyang tutugon sa mga learning resource gaps para sa mga guro at mga mag-aaral, sa pamamagitan nang pagpapalakas ng partnerships sa mga local at national level.
“Brigada Eskwela is anchored on the spirit of ‘bayanihan’ and has been the prime mover of volunteerism and community involvement in the DepEd,” anito pa.
Matatandaang Agosto 1 nang pormal na simulan ng DepEd ang nationwide Brigada Eskwela para sa School Year 2022-2023.
Ang naturang inisyatiba ay kinabibilangan ng paglilinis, pagpipintura at pagkukumpuni ng mga sirang gamit sa mga public schools, bilang bahagi ng paghahanda sa muling pagbubukas ng klase.
Ang SY 2022-2023 ay itinakda ng DepEd simula Agosto 22 hanggang Hulyo 7, 2023.
Ang limang araw naman na face-to-face classes ay sisimulan sa Nobyembre 2, 2022.