'PALAYAIN SI WALDEN BELLO!'
Iyan ang panagawan ng labor leader na si Ka Leody de Guzman matapos arestuhin ang dating nitong ka-tandem bilang vice presidential candidate na si Walden Bello na kasalukuyang nahaharap sa kasong cyber libel.
Para kay de Guzman, hindi kailanman magiging makatwiran ang kasong cyberlibel laban kay Walden Bello dahil ang pagpapatahimik umano ang rason ng kasong isinampa sa political candidate.
"Hindi kailanman magiging makatwiran ang kasong cyberlibel laban kay Walden Bello dahil malinaw na ang motibasyon sa likuran nito ay pampulitikang panunupil. Panunupil laban sa mga kritiko, pati na rin sa lahat ng kritikal sa kanilang administrasyon. Anumang pakana ng administrasyon ay mabibigo," ani de Guzman.
Nanawagan naman si de Guzman sa Department of Justice na ipawalang bisia ang arrest warrant kay Bello at isabatas ang pagdedekriminalisa sa libel.
Matatandaan na kinumpirma ng staff ni Bello na si Leomar Doctolero ang pang-aaresto at sinabi na ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni dating Davao City information officer Jefry Tupas.
BASAHIN: Dating Vice Presidential bet Walden Bello, timbog sa cyber libel sa QC
Sa isa namang ambush interview, naninindigan si Bello na isang political persecution ang cyber libel case na inihain sa kanya.
Sa hiwalay na pahayag sa kanyang Twitter account, sinabi nitong hindi siya mapapatahimik sa pamamagitan lamang ng kasong ibinabato sa kanya.
"Arrested late afternoon Monday on silly charge of cyberlibel posted by the camp of Sarah Duterte. These people are mistaken if they think they can silence me and suppress my exercise of free speech," ani Bello.