Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mayroon pang karagdagang 924 bagong kaso ng mga Omicron subvariants ng COVID-19 ang natukoy nila sa bansa.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na 906 sa mga ito ang omicron BA.5; 11 ang BA.4; at pito ang BA.2.12.1.
Dahil dito, umaabot na umano sa 4,013 ang total cases ng BA.5 sa bansa, 181 naman ang BA.2.12.1 cases, at 115 ang BA.4 cases.
Mula sa 906 na bagong BA.5 cases, 814 ang nakarekober na habang 49 ang sumasailalim pa sa isolation. Hindi pa naman batid ang estado ng 43 iba pa.
“At least 10 individuals from all regions except for Regions 10, 11, 12, CARAGA, and BARMM tested positive for the BA.5 variant,” ani Vergeire.
Ang 682 indibidwal naman ay fully vaccinated na, 14 ang partially vaccinated habang ang vaccination status ng 210 iba pa ay biniberipika pa.
Ang 11 namang bagong BA.4 cases ay pawang recovered na rin.Lima sa mga ito ay mula sa Region 5, at tig-dalawa mula sa Region 6, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Siyam sa kanila ang fully-vaccinated na habang hindi pa batid ang vaccination status ng dalawa pa.
Samantala, ang pitong bagong BA.2.12.1 ay pawang gumaling na rin mula sa karamdaman. Anim sa mga ito ang fully vaccinated habang di pa batid ang inoculation status ng isa pa.
“At the moment, the exposure of individuals, travel histories and health status are being verified,” ang DOH OIC.