Magandang balita dahil magpapatupad muli ang Manila Electric Co. (Meralco) ng halos 21 sentimo kada kilowatt hour (kwh) na tapyas sa kanilang singil sa kuryente ngayong buwan.
Sa paabiso nitong Lunes, nabatid na ang overall rate para sa typical household ay babawasan ng Meralco ng 20.87 sentimo kada kwh ngayong buwan o magiging P9.5458/kWh mula sa P9.7545/kWh noong nakaraang buwan.
Ang pagbaba ng singil ay sa gitna na rin ng ipinaiiral na refund ng Meralco, batay sa utos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Bukod dito, bumaba rin ang generation charge para sa buwan ng Agosto, na natapyasan ng 19.44 sentimo at naging P6.5812/kWh mula sa dating P6.7756/kWh noong nakalipas na linggo, kasunod na rin ng mas mababang charges mula sa power supply agreements (PSAs).
Samantala, ang transmission charges para sa residential customers ay tumaas ng 2.35 sentimo kada kWh habang ang iba pang charges ay nakapagtala ng net decrease na P0.0018 kada kWh.
Anang Meralco, ang bawas singil ay katumbas ng P42 bawas-presyo sa mga kumokonsumo ng 200 kwh; P63 sa konsumong 300 kwh; P83 sa konsumong 400 kwh; at P104 sa konsumong 500 kwh.