Dismayado ang Filipino journalist at radio commenter na si Julius Babao sa isang pizza restaurant-chain nang mapansin nito may plastic umano ang pizza na inihain sa kanila.
Sa uploaded video sa Facebook account ng mamamahayag, ibinahagi nito ang aniya'y weirdest experience niya nang makita nito na may nakahalong plastic ang pizza na sana ay kakainin nila.
"Guys, dumating na 'yung order namin na pizza from Shakey's. Itong the weirdest experience namin, guys 'no. Pinatungan ng cheese, ito o. Kaya pala ang hirap, kako, inii-slice ko kanina siya. Sabi ko, 'Parang may plastic?' So nung inangat ko ngayon guys, may plastic sa loob, see?" ani Julius nang iangat niya ang pizza upang ipakita ang umano'y plastic.
Aniya, "May plastic, tapos 'yung dough nasa ilalim, sa ibabaw, pinatong nila yung cheese dun sa plastic."
"Buti hindi natunaw 'yung plastic, hindi sumama dun sa cheese kundi nakain namin 'yung cheese tsaka yung plastic. Nako, ano ba yan, Shakey's. Anong nangyayari sa inyo?" dismayadong tanong ni Julius.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang Shakey's hinggil sa isyu.