Masaya ang director-writer-producer na si Atty. Vince Tañada na pumatok sa takilya ang kaniyang award-winning movie "Katips" at nakikipagsabayan sa katapat nitong pelikulang "Maid in Malacañang".

Sa naging panayam sa kaniya ng TeleRadyo noong Agosto 5, masayang ibinalita ni Atty. Vince na muli silang nadagdagan ng mga sinehan, upang mas marami pang makapanood nito.

Aniya pa, "organic" ang mga nanood ng pelikula at hindi sila nagpamigay ng tiket sa grupo ng mga tao, upang humikayat na panoorin ito.

“Ang lakas! Sobrang lakas namin. Nakakatuwa dahil noong unang araw pa lang namin sold-out na kami doon sa mga prime SM Malls…" masayang pagbabalita ni Tañada.

Teleserye

Jodi Sta. Maria, inaming 'di siya ang first choice sa 'Be Careful with my Heart'

Dapat daw, dalawang araw lamang ipalalabas ang Katips subalit na-extend daw ito dahil sa dami ng mga nanonood.

"Dapat Aug 3 and 4 lang kami magpapalabas yung lang ang binigay ng SM sa amin kaya lang ngayon na-extend tayo hanggang may manonood daw talagang ipapalabas ang ‘Katips’ …talagang organic 'tong nagpupuntahang mga tao sa mga sinehan," dagdag pa.

Ganoon na raw ang polisiya ngayon ng SM. Kapag nga raw sa unang araw pa lamang ay wala nang nanood at nilangaw sa takilya, agad na itong pinapa-pull out.

Pero dahil malakas nga umano sa takilya ang pelikula, may posibilidad na patuloy pa itong ma-extend.

Natanong naman ni Karmina Constantino kung ano ba ang ibig sabihin ng sold out; ito raw ba ay patingi-tingi o bulk na binili para ipamigay sa mga tao?

"Wala... wala kaming ganoon, Karmina. Kasi wala naman kaming pera eh... talagang organikong nagpupunta ang mga tao sa mga sinehan, kaya natutuwa kami..." ayon sa award-winning director.

Malaking tulong umano ang sunod-sunod na araw na trending ang Katips sa social media para makumbinsi ang mga taong panoorin ang pelikula.