Ibinahagi ng mga anak ni "La Primera Contravida" at beteranang aktres na si Cherie Gil sa kani-kanilang mga social media platforms ang kanilang opisyal na pahayag hinggil sa pagpanaw ng kanilang ina noong Agosto 5.

Nagpapasalamat ang magkakapatid sa lahat ng mga nagpadala at nagpahatid ng kanilang pag-aalala at concern para kay Cherie, na naratay sa banig ng karamdaman, nang piliin nito ang pribadong buhay sa New York, USA at talikuran ang showbiz.

"It is with heartfelt sorrow that we announce that Cherie passed away peacefully in her sleep on August 5th, at 4:48 a.m. EST after a brave battle against cancer," saad sa pahayag.

Na-diagnose umano ang aktres ng isang rare form of endometrial cancer noong Oktubre 2021, matapos ang pag-migrate sa New York upang makasama ang kaniyang mga anak. Sumailalim daw sa gamutan ang aktres sa Memorial Sloan-Kettering Cancer Center of New York.

Teleserye

Jodi Sta. Maria, inaming 'di siya ang first choice sa 'Be Careful with my Heart'

Hiniling umano ng aktres na gawing pribado ang kaniyang kondisyon, bagay na iginalang at sinuportahan naman ng kaniyang pamilya. Matapang daw na nakipaglaban ang aktres sa kaniyang karamdaman, ngunit hindi pa rin inalis ang kaniyang mga nakatutuwang katangian, tulad ng pagiging witty, palatawa, at "larger-than-life personality".

Sa kabila ng pagluluksa sa pagkamatay ni Cherie, nag-uumapaw umano ang kasiyahan sa kanilang puso dahil sa mga natatanggap at nababasang pakikiramay, tribute, at magagandang salita para sa kanilang ina.

Nakiusap sila sa sinuman na kung may mga litrato o video sila na kasama o may kinalaman sa aktres, ay ipadala ito sa kanilang ibinigay na email.

"In the end, there are no words---only love. Cherie lived with all her heart."

Ang buong pangalan ng aktres ay Cherie Gil Eigenmann Rogoff. Siya ay nagmula sa angkan ng mga artista. Ang kaniyang mga magulang ay sina Eddie Mesa at Rosemarie Gil. Kapatid niya sina Michael De Mesa na napapanood ngayon sa magtatapos na "FPJ's Ang Probinsyano" at ang yumaong aktor na si Mark Gil.

Naging mister niya si Rony Rogoff, isang violinist, at sila ay nagkaroon ng anak na sina Bianca at Raphael Rogoff. Ang panganay niya naman ay si Jeremiah David (Jay), na anak nila ng dating karelasyong si Leo Martinez.