Masayang ibinahagi ng director-writer-producer na si Atty. Vince Tañada na pumatok sa takilya ang kaniyang award-winning movie "Katips" at nakikipagsabayan sa katapat nitong pelikulang "Maid in Malacañang".

Nabanggit niya ito panayam sa kaniya ng TeleRadyo noong Agosto 5, hosted by Tony Velasquez at Karmina Constantino. Natanong ni Tony kung kumusta ang lagay ng pelikula sa unang raw ng pagbubukas nito sa mga sinehan. Masayang ibinalita ni Atty. Vince na muli silang nadagdagan ng mga sinehan, upang mas marami pang makapanood nito.

Aniya pa, "organic" ang mga nanood ng pelikula at hindi sila nagpamigay ng tiket sa grupo ng mga tao, upang humikayat na panoorin ito.

“Ang lakas! Sobrang lakas namin. Nakakatuwa dahil noong unang araw pa lang namin sold-out na kami doon sa mga prime SM Malls…" masayang pagbabalita ni Tañada.

Pelikula

Hello, Love, Again, kumita ng ₱85M sa unang araw!

Dapat daw, dalawang araw lamang ipalalabas ang Katips subalit na-extend daw ito dahil sa dami ng mga nanonood.

"Dapat Aug 3 and 4 lang kami magpapalabas yung lang ang binigay ng SM sa amin kaya lang ngayon na-extend tayo hanggang may manonood daw talagang ipapalabas ang ‘Katips’ …talagang organic 'tong nagpupuntahang mga tao sa mga sinehan," dagdag pa.

Ganoon na raw ang polisiya ngayon ng SM. Kapag nga raw sa unang araw pa lamang ay wala nang nanood at nilangaw sa takilya, agad na itong pinapa-pull out.

Pero dahil malakas nga umano sa takilya ang pelikula, may posibilidad na patuloy pa itong ma-extend.

Natanong naman ni Karmina kung ano ba ang ibig sabihin ng sold out; ito raw ba ay patingi-tingi o bulk na binili para ipamigay sa mga tao?

"Wala… wala kaming ganoon, Karmina. Kasi wala naman kaming pera eh… talagang organikong nagpupunta ang mga tao sa mga sinehan, kaya natutuwa kami…" ayon sa award-winning director.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/07/sobrang-lakas-namin-mga-nanood-ng-katips-tunay-at-organic-pagmamalaki-ni-atty-vince/">https://balita.net.ph/2022/08/07/sobrang-lakas-namin-mga-nanood-ng-katips-tunay-at-organic-pagmamalaki-ni-atty-vince/

Napa-react naman dito ang direktor ng MiM na si Direk Darryl Yap, sa comment section ng Balita Online.

"Hahaha! Hilamusan n'yo nga 'yan. ahaha," pahayag nito.

Screengrab mula sa FB/Darryl Yap

Samantala, inanunsyo ng VIVA Films na pumalo na sa ₱100M ang kinita ng MiM sa loob ng apat na araw.

Dahil sa tagumpay, pinaghahandaan na umano ang posibleng sequel nito, naiikot sa matinding akusasyon laban umano sa mga Marcoses, sa kontrobersyal na asasinasyon ni dating Senador Benigno Simeon "Ninoy" Aquino, Jr., na mister ni dating Pangulong Corazon "Cory" Aquino.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Atty. Vince sa naging reaksiyon ni Direk Darryl sa kaniyang mga pahayag sa naging panayam sa TeleRadyo.