Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Sabado ang pamamahagi ng ayuda para sa may 382 pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz, Manila kamakailan.

Ayon kay Lacuna, ang bawat pamilyang naapektuhan ng sunog ay pinagkalooban ng tig-₱10,000 tulong pinansiyal, gayundin ng mga food packs at hygiene kits, na kinabibilangan ng mga face masks at toiletries gaya ng mga sabon, shampoo, sabong panlaba, toothbrush at toothpaste.

Katuwang ni Lacuna sa pamamahagi ng tulong sina Vice Mayor Yul Servo, Third District Congressman Joel Chua, Department of Social Welfare head Re Fugoso, at Councilors Fa Fugoso at Maile Atienza.

Ani Re Fugoso, inatasan siya ng alkalde na bilisan ang pagkakaloob ng mga kinakailangang tulong sa mga fire victims na naninirahan sa P. Guevarra St. sa Sta. Cruz, na sakop ng Barangay 311.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Pinasalamatan rin naman ni Re Fugoso ang barangay officials sa lugar, sa pangunguna ni Chairman Randy Guillero dahil sa pagtulong sa city government sa pagtukoy ng mga pamilyang nabiktima ng sunog, at pagbibigay ng update sa sitwasyon ng mga ito.

“Nagpapasalamat po tayo sa mga Barangay officials ng Barangay 311, pati na kina Chairman Ogie Basilio and Council sa pagtulong sa mga nasunugan, kay Chairman Emil Jimenez na nagpatuloy din sa kanyang barangay hall sa mga tao, at hindi natin makakalimutan ang tulong at sakripisyo ng mga Social Workers at Child Development Workers ng MDSW,” aniya.