Sunod-sunod ang posting sa social media ng Viva Films, ang co-production company ng "Maid in Malacañang" katuwang ang "VinCentiments" ni Direk Darryl Yap, gayundin si Senadora Imee Marcos, sa pag-update sa itinatakbo ng pelikula sa takilya.
Nagpasalamat ang pamunuan ng Viva at maging ang senadora sa mga umano'y nagsipila sa unang araw pa lamang ng pagbubukas ng MiM sa mga sinehan.
"Mabuhay ang PHILIPPINE CINEMA!"
"Nagpapasalamat kami sa lahat ng pumila at nanood mula Luzon, Visayas at Mindanao. Muling nanumbalik ang sigla ng PELIKULANG PILIPINO dahil sa ating pagkakaisa. Ito na ang simula," pahayag ng senadora.
Ibinahagi ni Sen. Imee ang FB post ng Viva, na nagsasabing ito na raw ang simula nang muling pagbabalik-sigla ng sinehang Pilipino. Ito na rin kasi ang uni-unting pagbabalik ng pagbubukas ng mga sinehan sa publiko, matapos ang lockdowns at mahigpit na health protocols kaugnay ng pandemya.
Ngayong Agosto 4, ibinalita ng Viva at ni Senadora Imee na pumalo ng ₱21M ang kinita nito sa takilya, sa opening day pa lamang.
Tanong ng mga netizen ngayon, makabog kaya nito ang kasalukuyang may hawak ng titulong "highest-grossing Filipino movie of all time" na "Hello Love Goodbye" nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ng Star Cinema noong 2019, bago magpandemya? Tumabo ito ng ₱830M, at ang number 2 naman ay Kathryn movie rin na "The Hows of Us", katambal ang kaniyang real-life boyfriend na si Daniel Padilla.
Ini-anunsyo rin na may sequels pa pala ang MiM at ito ay ang "MoM" o Martyr or Murderer at "MaM" o "Mabuhay Aloha Mabuhay!"