Plano ng Office of the Vice President (OVP) na palawakin pa ang kanilang Libreng Sakay Program.
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni OVP spokesperson Reynold Munsayac na magdaragdag pa sila ng mga bus at magbubukas ng maraming ruta para sa naturang programa na nag-aalok ng libreng sakay sa publiko.
Ayon kay Munsayac, naghahanap sila ng partners mula sa pribadong sektor para mapalawak ang programa at mas marami pa silang matulungan.
“Malinaw na kailangang-kailangan pa ng gobyerno ng mga bus na magpo-provide ng ganyang services lalo na at no cost,” ani Munsayac.
“Ang layunin namin talaga, makahanap ng private partners na magpapahiram din ng bus. Sagot naman namin 'yong gasolina, sagot din namin 'yong ng suweldo ng mga driver, kung kailangan, [at] 'yong repair at maintenance,” aniya pa.
Ani Munsayac, isa sa mga target nila na mabigyan ng libreng sakay ay ang bus route mula sa Commonwealth hanggang Fairview sa Quezon City hanggang Quiapo sa Maynila.
“Marami kaming natanggap na reports na maraming mga pasahero diyan,” aniya.
Matatandaang nitong Miyerkules ay inilunsad na ng OVP ang kanilang Libreng Sakay program, na may inisyal na limang bus lamang.
Dalawa sa mga ito ang bibiyahe sa EDSA Carousel sa Metro Manila habang ang tatlo pa ay ide-deploy naman sa Cebu City, Davao City, at Bacolod City.
Bibiyahe aniya ang mga bus ng Lunes hanggang Sabado, mula 4:00AM hanggang 10:00AM at mula 4:00AM hanggang 10:00PM.
Dagdag pa ni Munsayac, maaari ring mag-accommodate ang libreng sakay ng mga estudyanteng dadalo sa in-person classes, na magsisimula na sa Nobyembre 2.