Umaabot na sa mahigit 15.2 milyon ang bilang ng mga estudyante na nakapagpatala na para sa School Year 2022-2023 hanggang nitong Huwebes, Agosto 4.

Batay sa inilabas na datos ng Department of Education (DepEd), nabatid na hanggang 7:00 ng umaga nitong Agosto 4, 2022, ay umaabot na sa 15,261,695 ang kabuuang bilang ng mga enrolled learners sa bansa.

Sa naturang bilang, 1,009,873 ang kindergarten; 7,055,511 ang elementary; 4,923,764 ang junior high school at 2,272,547 ang senior high school.

Pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 2,258,757na sinusundan ng National Capital Region (NCR) na nasa 1,795,839 at Region III (Central Luzon) na nasa 1,511,950 naman.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Pinakamababa pa rin ang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 156,416 pa lamang.

Ang enrollment period para sa SY 2022-2023 ay sinimulan noong Hulyo 25 at magtatapos sa Agosto 22, 2022, na siya ring unang araw ng pasukan.

Target naman ng DepEd na makapagtala ng hanggang 28 milyong mag-aaral.

“Tandaan na mayroon tayong tatlong pamamaraan sa pagpapatala: in-person, remote, at dropbox enrollment.Dagdag pa rito, ang ating mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala nang in-person o digital,” anang DepEd.

Paalala pa nito, “Sa pagpunta sa mga paaralan, ating panatilihin ang proteksyon ng bawat isa. Huwag kalimutang sundin ang ating mga health and safety protocols. Sama-sama sa ligtas na balik-aral! Magparehistro na sa inyong paaralan!”