Naispatan ang award-winning director-writer ng pelikulang "Katips" na si Atty. Vince Tañada sa isang sinehan sa Quezon City kung saan ipinalabas ang pelikula, na nagbigay ng mensahe sa mga nanood na patuloy na ipaglaban ang katotohanan.
Sa video na ibinahagi ng isang nagngangalang "Rae Viloria," makikitang nagpasalamat ang direktor sa mga nanood na nasa loob ng sinehan.
"Maraming salamat po! Patuloy po nating ipaglaban ang katotohanan!" sigaw ng direktor sa pagtatapos ng pelikula.
Maririnig naman ang tila pagsang-ayon at tugon ng moviegoers. Nagpalakpakan at naghiyawan sila bilang tanda ng pakikiisa.
Sa opening day ng Katips ay namataan ang direktor kasama si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa isang sinehan sa isang mall sa Bonifacio Global City, Taguig.
Ubos daw ang ticket dito, ayon sa tweet ni Guanzon. Ibinahagi ng Kakampink na dating komisyuner ang litrato nila ni Atty. Vince.
"KATIPS is sold out in SM Aura. With FAMAS awardee Direk Vince Tañada. #KatipsTheMovie," saad ni Guanzon.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/03/tiket-ng-katips-sold-out-sa-isang-mall-sa-taguig-sey-ni-guanzon-sinamahan-si-tanada/">https://balita.net.ph/2022/08/03/tiket-ng-katips-sold-out-sa-isang-mall-sa-taguig-sey-ni-guanzon-sinamahan-si-tanada/
Ibinahagi naman sa comment section na sold out na nga ang 6:35PM slot para sa Katips, at napupuno na ang 9:30PM.
"Hi! As of this writing, the 6:35PM showing for #KatipsTheMovie is already sold out. The 9:30PM screening is slowly running out of seats," ayon sa tweet na may kalakip na 'resibo'.
Matatandaang hinikayat ni Guanzon ang publiko na panoorin ang Katips. Ilang beses ding nagkaparinigan at nagbardagulan sa social media sina Guanzon at ang direktor ng "Maid in Malacañang" na si Direk Darryl Yap.
Sa isang panayam naman ng "Cristy Ferminute", inamin ni Atty. Vince na hindi naman niya hangad na kumita ang pelikula; ang nais lamang niya ay mapanood ito ng marami bilang isang pelikula sa mga sinehan. Halaw kasi ito sa kaniyang award-winning stageplay. Talagang pinag-ipunan daw niya ito mula sa katas ng kaniyang pagiging abogado.