Kaagad na itinuwid at pinagsabihan ni Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda ang isa sa mga kalahok sa kababalik lamang nilang segment na "Miss Q&A: Kween of the Multibeks" matapos ang pagsambit nito ng pagpapakilala sa kaniyang sarili.

Noong una ay masayang-masaya ang mga host na sina Vice Ganda, Jhong Hilario, at Vhong Navarro at aliw na aliw sila sa naturang kalahok na si Dimples Ruiz.

Pero natahimik sila pati na ang live audience na madlang pipol nang biglang magpakawala ng kaniyang intro ang naturang kandidata.

"Akala n'yo ngongo ako… mongoloid kaya ako…"

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Kapansin-pansing walang natawa sa kaniyang biro at tila nawaley ang madlang pipol sa kaniyang hirit.

Naging maagap naman si Vice Ganda at pinagsabihan si Dimples.

"Hoy hindi 'yan ang intro mo no'ng rehearsal ah," sey ni Meme Vice.

Nang lumakad na ang kalahok, nagsalita na ang TV host-comedian. Inunahan na niya ang lahat, bago pa sila ma-bash.

"Now, we would like to inform everyone that the views, the opinions, the words of the candidates do not necessarily reflect the views, and the opinions of the hosts, the show, and the network."

"In behalf of candidate number 3, ngayon pa lang ay humihingi na kami ng paumanhin sa mga maaaring… ahhh… na-offend… lalo na sa paggamit ng mga salitang 'ngongo' at 'mongoloid'."

"Hindi na natin ito ginagamit… hoy, aminin mo, hindi 'yon ang ginamit mo sa intro," giit ni Meme Vice sa kalahok.

"So we apologize. So… paano 'to?" basag ni Vice sa nakabibinging katahimikan sa studio. Naging maagap naman sina Jhong at Vhong na muling maibalik sa sigla ang atmospera at 'ika nga ay "the show must go on".

Pabirong hirit pa ni Vice kay Dimples Ruiz, "Padala ka ba ng kalaban? Bakit mo ginawa 'yon? Ang ganda na nang simula namin eh…

Muling naglitanya si Vice tungkol sa mga salitang hindi na ginagamit sa kasalukuyan, lalo na kapag nagbibitiw ng mga biro o punchlines.

"May mga salitang hindi na angkop o katanggap-tanggap… hindi na politically correct yung terms… saka may mga bagay na hindi puwedeng sabihin sa telebisyon," paalala ni Vice.

"Dapat maging sensitive tayo," sundot naman ni Vhong.

Idinagdag naman ni Jhong na hindi ganoon ang intro ng kalahok nang magsagawa sila ng rehearsal bago ang show. Kung iyon daw ang sinabi ng kalahok sa rehearsal, malamang ay hindi siya papayagan ng mga staff ng It's Showtime.

"Dahil diyan, talo ka na…" biro ni Vice.

Mapagkumbaba at naiiyak namang humingi ng paumanhin si Dimples sa kaniyang ginawa. Inamin nitong dinagdag lamang niya ang mga salitang "ngongo" at "mongoloid" sa kaniyang introduction.

"I am really sorry po, I didn't mean it, gusto ko lang pong magbigay ng kasiyahan, ahm, hindi ko po sinasadya…"

Sa backstage ay ibinahagi ni Dimples Ruiz na nilapitan siya ni Vice at nagbigay ng comforting words dahil sa mga nangyari.