Kapwa nakikitaan na nang pagbaba ang one-week growth rate at reproduction number ng COVID-19 infections sa National Capital Region (NCR).
Ito ang iniulat ng independent monitoring group na OCTA Research nitong Miyerkules, kasabay nang pagpapahayag ng pag-asa na ang mga kaso ay aabot na sa peak o sa rurok, sa lalong madaling panahon.
Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang COVID-19 growth rate sa rehiyon ay bumaba na sa 14% noong Agosto 2 mula sa dating 21% noong Hulyo 26.
Ang reproduction number naman ay bumaba rin sa 1.24 mula sa dating 1.33 sa nasabi ring petsa.
Bagamat tumaas naman ang healthcare utilization rate (HCUR) sa NCR, na mula sa dating 32% noong Hulyo 26 at naging 38% noong Agosto 2, gayundin ang Intensive Care Unit (ICU) occupancy rate na mula sa 27% ay naging 30%, ay nananatili pa rin aniya itong mababa, kaya’t nasa moderate risk pa rin aniya ang rehiyon sa COVID-19.
Tumaas rin naman aniya ang positivity rate sa rehiyon na mula sa dating 15.5% lamang noong Hulyo 26 ay naging 16.9% na noong Agosto 2.
Ang average daily attack rate (ADAR) naman ay tumaas rin ng mula 7.34 ay naging 8.39 na sa nasabi ring panahon habang ang 7-day average ng NCR ay naging 1,209 na mula sa dating 1,057 lamang.
“There is again hope that cases will peak soon. HCUR remained low. NCR still under moderate risk. Let us all stay safe!” aniya pa.