Lumundag na sa mahigit 70% ang intensive care unit (ICU) utilization rate para sa Covid-19 sa Capiz noong Linggo.
Sa datos ng independiyenteng OCTA Research Group na ibinahagi sa Twitter ni Dr. Guido David nitong Martes, Agosto 2, nabatid na ang ICU occupancy rate sa Capiz ay naitala na sa 71.4% noong Hulyo 31, na malaking pagtaas mula sa dating 42.9% lamang noong Hulyo 24.
Samantala, tumaas rin naman ang healthcare utilization rate (HCUR) ng lalawigan sa 44.6% mula sa dating 34.1% lamang, sa parehas na panahon.
Iniulat rin naman ng grupo na nakapagtala rin ng pagtaas ang HCUR sa NCR na mula sa 31.7% lamang noong Hulyo 24 ay naging 36.5% na noong Linggo.
Ang ICU occupancy rate naman nito ay nagkaroon ng bahagyang pagbaba o mula 27.3% ay naging 26.9% sa kahalintulad na panahon.
Sinabi pa ni David na ang HCUR sa mga lalawigan ng Iloilo at Bohol ay nananatili pa rin sa mahigit 50%.
Batay sa datos ang Iloilo (hindi kasama ang Iloilo City) ay nakapagtala ng 56.1% na HCUR noong Hulyo 31 na pagtaas mula sa dating 52.4% lamang noong Hulyo 24. Ang ICU utilization nito ay nananatili namang nasa 33.3% lamang.
Ang Bohol naman ay mayroong HCUR na 59.5% noong Hulyo 31 na pagtaas mula sa dating 57.7% noong Hulyo 24. Ang ICU occupancy rate nito ay umabot na rin sa 50.0% mula sa dating 30.8% lamang.
Ang ICU occupancy rate naman sa Lucena City na dating nasa 60.0% noong Hulyo 24 ay nakitaan na ng pagbaba at umabot na lamang sa 44.4% noong Hulyo 31.